top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Dayuhang sangkot sa naglipanang underground clinic, walang lugar sa ‘Pinas!

  • Ryan B. Sison
  • May 30, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Pangamba ang idinulot sa publiko ng mga natuklasang klinika o “underground clinic” ng mga Chinese sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Natuklasan ng mga awtoridad na Chinese ang mga ginagamot dito na infected ng COVID-19, gayundin, walang pahintulot ng Department of Health (DOH) ang kilinika at pati ang naarestong doktor ay walang lisensiya.

Unang nabuking ang clinic sa isang gusali sa Makati City noong nakaraang buwan dahil sa reklamong nagbara ang drainage at nang inspeksiyunin, pawang medical wastes ang nakabara sa tubo at natuklasang hindi ito lisensiyadong clinic at ang mga pasyente ay infected ng COVID-19.

Matapos ang dalawang linggo, buking ang isa pang clinic na walang permit sa Parañaque City at pinatatakbo ng mga Chinese. Ang clinic ay may hospital beds, gamit para sa COVID-19 test at mga gamot na Chinese characters ang label. Kinumpirma rin na ang ginagamot sa naturang clinic ay mga Chinese na may COVID-19.

Samantala, pinakamalaking clinic na nasalakay ng pulisya ang nasa loob ng Fontana Leisure Park sa Clark, Pampanga noong nakaraang linggo. May pitong kama at kumpleto sa gamot para sa pagsusuri at pag-test sa mga may COVID-19 ang pasilidad, gayundin, mga Chinese ang ginagamot at tulad ng ibang klinika, wala itong permit at nasa 500 Chinese ang nahuli sa pasilidad.

Noong Huwebes, naaktuhan ang mga Chinese na nagsasagawa ng rapid test sa loob ng pribadong subdivision sa Parañaque kung saan walang permit mula sa DOH at lokal na pamahalaan ang mga ito.

Sa totoo lang, nakakaalarma ang mga naulat na ilegal na pagamutan kaya panawagan sa mga kinauukulan, patuloy na suyurin ang buong bansa dahil hindi natin alam kung ilan pang underground clinic ang nariyan at patuloy na nag-o-operate.

Habang patuloy nating sinusugpo ang nakamamatay na virus, kailangan ding matuldukan ang ilegal na operasyon ng mga dayuhan sa ating bansa.

Paano kung marami pa palang Chinese na infected pero hindi natin alam? Sayang ang paghihigpit ng pamahalaan kung patuloy na maglilipana ang mga ito.

Kung tayong mga Pinoy ay todo-sikap na sumunod sa protocols para makaiwas sa sakit, ang mga dayuhan pa ang nagiging banta sa kalusugan ng mga Pilipino.

Ano’ng gagawin ng pamahalaan sa mga dayuhang ito?

Kung kailangan silang i-deport, gawin na natin dahil wala nang dahilan para manatili pa sa bansa ang mga gumagawa ng ilegal.

Marami nang problemang kinahaharap ang Pilipinas at walang lugar dito ang mga dayuhang dagdag lang sa sakit ng ulo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page