top of page

Tips upang maging ligtas sa pagsabak sa mahabang lakaran ngayong quarantine

  • Nympha
  • May 29, 2020
  • 2 min read

Ilan na ba ang nabalitaan nating binawian ng buhay sanhi ng mahabang paglalakad dahil walang pampublikong mga sasakyan sa panahon na ito? Bilang isang fun run enthusiast at marathoner, narito ang ilan kong tips na makatutulong upang mas maging handa kayo sa mahaba-habang lalakarin at makarating kayo nang ligtas sa inyong patutunguhan nang hindi magkaroon ng anumang problema sa kalusugan:

1. MAGSUOT NG KOMPORTABLENG DAMIT. Summer season ngayon, magdamit ng dri-fit na hindi natutuyo sa katawan ang pawis. Mag-rubber shoes at magmedyas para hindi mapaltusan. Magsuot ng sombrero at magdala ng payong bilang pananggalang sa init ng araw. Magdala ng ekstrang pamalit na damit at tuwalya na puwedeng basa-basain pandampi sa mukha at braso kung nakakaramdam ka ng init habang naglalakad.

2. MAGBAON NG MALAMIG NA TUBIG. Pinakaimportanteng magdala ng back-pack na lalagyan ng 1 litrong malamig na tubig. Ekstrahan ng biskwit o tinapay o kaya ay magbalot ng kanin at ulam kung gustong makatipid sakaling abutan ng gutom sa daan. Magbaon na rin ng ekstrang candy o tsokolate. Makatutulong ang mga ito para hindi ka manlata sakaling bumaba ang iyong sugar sa katawan dahil sa matagal na paglalakad. Importante rin ang pagbaon ng maaalat na chichiria. Pihadong sa tagaktak mong pawis ay lumabas na lahat ng alat sa katawan at kailangan itong mapalitan. O kung hindi ka palakain ng chichiria ay lagyan ng kalahating kutsaritang asin ang iyong inuming tubig upang manatiling normal ang iyong potassium level sa katawan. Puwede rin ang saging o saba.

3. SIMULAN ANG PAGLALAKAD NG MADALING ARAW. Kuwentahin natin na ang 5 kilometro mong lalakarin hanggang sa bahay ng iyong kapatid ay baka abutin ka ng isa’t kalahating oras o 2 oras sa paglalakad. Kaya pinakamainam na habang wala pang araw o alas-4:00 pa lang ng umaga ay lumarga na. Kung may 10 kilometro ang tinatayang lalakarin, tiyak na aabot ka ng 3 o apat na oras sa paglalakad kaya alas-2:00 pa lang ay simulan na ang mala-Samuel Bilibid na lakaran.

4. MAGDALA NG STUN GUN O PEPPER SPRAY. Para mas maging ligtas sa paglalakad lalo na kung nag-iisa lang ay dapat may hawak kang stun gun o pepper spray bilang pandepensa sa anumang pagtatangka ng ibang tao. Puwede ring gamitin ang susi bilang self-defense.

5. MAG-FACE MASK AT MAGDALA LAGI NG QUARANTINE PASS O ID. Iligtas ang sarili na masita sa mga checkpoint na napakahihigpit. Sundin ang lahat ng health protocol habang nasa daan. Panaka-nakang maupo sa isang komportableng lugar kung napapagod na para makaipon muli ng lakas. Pinakamabisa sa lahat ay magdasal habang naglalakad. Ito ang oras para hingin ang pag-iingat at pagliligtas sa iyo ng Diyos. Kumain ka muna ng kanin at itlog bilang gasolina mo sa paglarga. Ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page