Panukala sa non-expiration ng prangkisa na may pending renewal sa Kongreso, oks sa NTC
- BRT
- May 28, 2020
- 2 min read

Sinuportahan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang inihaing panukala ni Senate Minority Leader Franklin Drilon para sa non-expiration ng legislative franchise basta’t ang aplikasyon ay naihain na at nakabinbin sa Kongreso.
Ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, makatutulong ang panukala para maayos ang gap ng Republic Act 3846 o Radio Control Law na nagsasabing ang public utility partikular ang broadcasting company ay hindi puwedeng payagang makapag-operate nang walang legislative franchise.
“Meron po tayong Republic Act No. 3846 na nagsasabi na kailangan po ng franchise for a public utility to operate. With this amendment, as proposed by Senator Drilon, malaking bagay po ito to fix the gap in the law,” paliwanag ni Cordoba.
Inihalimbawa nito ang kaso ng ABS-CBN kung saan naisyuhan ng cease-and-desist order (CDO) ng NTC matapos magpaso ang congressional franchise ng network noong Mayo 4.
Tugon pa ni Cordoba sa tanong ni Drilon, sinabi nitong ang kapangyarihan ng NTC na mag-isyu ng administrative license ay base sa kasalukuyang batas sa prangkisa, ang RA 3846. “If there is no legislative franchise, then we cannot let the operations of a public utility,” punto ni Cordoba. Samantala, nilinaw din ni Cordoba na hindi nag-isyu ang NTC ng provisional license sa sinumang broadcaster habang nakabinbin sa Kongreso ang kanilang franchise bill.
“What happened is we allowed them to continue operating,” sabi ni Cordoba, kasabay ng paglilinaw na ang kaso ng ABS-CBN ay iba dahil nahaharap ito sa quo warranto case na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema.
Ang tinutukoy nito ay ang 2003 ruling ng Korte Suprema sa kaso ng Associated Communications & Wireless Services vs NTC, na nagsasabing kailangan may existing license bago mag-operate ang isang korporasyon.
Sabi pa ni Cordoba, hindi ito ang unang pagkakataon na naglabas sila ng CDO sa mga broadcasting firm, patunay na hindi nila sini-single out ang ABS-CBN.
Aniya, nakapag-isyu na ang regulatory body ng CDO laban sa ilang radio station na nag-operate nang walang permit noong 2016 at 2019 election campaigns.





Comments