Fake IATF ID for sale, Recto University strikes again!
- Ryan B. Sison
- May 26, 2020
- 2 min read

Sa pagpapatupad ng paghihigpit sa mga quarantine checkpoints, napakahalaga ng mga dokumento tulad ng quarantine pass, identification card at travel pass.
Prayoridad na padaanin sa checkpoints ang mga frontliners sa hanay ng medisina, kapulisan at ibang manggagawa ng essential establishments na tuloy ang operasyon kahit may community quarantine.
Kailangang magpakita ng kaukulang dokumento bilang patunay na frontliner pero tila nagkaproblema sa ganitong sistema dahil ang dokumento na kailangang ipakita ay napepeke na.
Kaugnay nito, kamakailan, sinalakay ang ilegal na pagawaan ng mga pekeng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ID sa kahabaan ng Recto sa Maynila.
Ayon kay Manila Police District (MPD) public information office (PIO) chief Police Col. Carlo Manuel, una nang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa produksyon ng mga pekeng IATF ID sa Jemil Printing Services sa Recto.
Nag-ugat ang operasyon matapos maaresto ang isang motorista na gumamit ng pekeng ID ng DTI-IATF. Base sa ulat, sinita ang motorista sa checkpoint at nang i-scan ang ID ay hindi nabasa ang QR code. Gayundin, bukod sa IATF ID, sari-saring dokumento pa ang pinepeke ng establisimyento.
Ang tindi rin talaga ng mga Pinoy. ‘Pag gustong makalusot, gagawa at gagawa ng paraan kahit bawal. Ang masaklap pa, minsan ay gumagawa ng mali para maitaguyod ang ilegal na gawain. Tsk!
Malamang, may iba pang pagawaan ng pekeng dokumento riyan kaya dapat lang na suyurin ng kapulisan ang mga lugar na may ganitong klase ng establisimyento.
Sa totoo lang, ‘di naman magpapatuloy sa pag-operate ang mga ilegal na pagawaan ng dokumento kung walang tumatangkilik.
Para saan pa ang pagsasakripisyo natin sa quarantine kung pagala-gala rin kayo? Kahit sabihin n’yo pang no choice kayo kundi kumapit sa bawal para makapagtrabaho, maling-mali na mameke kayo ng dokumento.
Hindi lang mga operator ng ganitong establisimyento ang dapat managot sa pagkalat ng pekeng dokumento dahil kayong mga tumatangkilik ay may responsibilidad din.
Alam na ninyong bawal at hindi basta-basta ang kapalit nito, pero sige pa rin kayo.
Bagama’t natural sa Pinoy ang pagiging madiskarte, gamitin n’yo ‘yan sa tama, hindi para manloko ng kapwa.
Sana ay magsilbing babala ito sa ating mga kababayan na itigil n’yo na ang mga kalokohan ninyo dahil may kalalagyan kayo.
Awat na sa paggawa ng ilegal habang may krisis dahil sa totoo lang, mas malala pa ang mga tulad ninyo kesa sa virus.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments