ABS-CBN, maglalabas na ng listahan ng mga mawawalan ng trabaho
- V. Reyes
- May 26, 2020
- 2 min read

Humarap kanina para sa panig ng ABS-CBN Corporation ang President and CEO nitong si Carlo Katigbak na umaapela sa Kongreso na mapagbigyan ang kanilang aplikasyon dahil nakasalalay aniya rito ang kanilang may 11,000 empleyado.
“We want to do everything we can to protect our employees, pero may hangganan din ang kakayahan ng kumpanya namin. Sa darating na linggo, mapipilitan na kaming maglabas ng listahan ng mga taong mawawalan ng trabaho,” ani Katigbak.
Nanindigan din ito na walang nilabag na batas ang ABS-CBN at maituturing pa rin silang inosente sa mga alegasyon hangga’t hindi napatutunayang guilty.
Tumayo naman si Deputy Speaker Rodante Marcoleta upang ilahad ang argumento ng mga tutol sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.
Ayon kay Marcoleta, hindi nag-comply ang ABS-CBN sa itinakda ng terms and conditions ng kanilang legislative franchise noon, gayundin sa mga umiiral na batas at mismong sa Konstitusyon.
Lagpas na aniya ng 50 taon na pinapayagan ng Konstitusyon ang prangkisa ng broadcast network at isyu rin ang foreign ownership ng kumpanya.
“Hindi na dapat payagan ang pagre-renew ng prangkisa ng ABS-CBN. Dapat na isara ang pinto para sa kanila. Because the ABS-CBN has been using the airwaves for more than 50 years. Our Constitution says Congress can grant a franchise of up to 50 years only,” paliwanag ni Marcoleta.
Pinuna rin ni Marcoleta ang umano’y kontraktuwalisasyon sa ABS-CBN at iba pang labor at tax issues nito.
“The grant of a legislative franchise is merely a privilege and not a matter of right. We believe it is but right for the House of Representatives to deny the franchise of ABS-CBN for flagrantly violating the Constitution,” diin pa ng mambabatas.
Kaugnay nito, nabigong madesisyunan ngayong araw ng joint committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability ang inihihirit na 25-taong prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Ayon kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, sa inilatag na mga argumento sa pagdinig ngayong hapon ay lumalabas na may pangangailangan na magkaroon ng mas malalim na serye ng pampublikong pagdinig.
Nais naman ni Legislative Franchises committee chairman Rep. Franz Alvarez na magkaroon ng isang pagdinig sa bawat isyu laban sa ABS-CBN.
Samantala, hindi lumahok sa pagdinig si Solicitor General Jose Calida dahil sa usapin ng sub judice rule pero binibigyan pa rin siya ng pagkakataon ng komite na humarap sa susunod na hearing na itinakda sa Lunes.





Comments