Mga barangay officials na inireklamo dahil sa SAP anomalies, pumalo sa 134
- V. Reyes
- May 25, 2020
- 1 min read

Lumobo pa sa 134 ang mga opisyal ng barangay na nahaharap ngayon sa mga reklamong kriminal dahil umano sa pagkakasangkot sa mga anomalya ng pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ang nasabing bilang ay 320-porsiyentong paglobo mula sa 42 barangay officials na inireklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation Group (PNP-CIDG) noong nakaraang linggo.
"Hindi ninyo matatakasan ang mga panlolokong ginawa ninyo sa pamimigay ng ayuda. Sinira ninyo ang tiwala ng gobyerno at ng inyong mga kabarangay kaya sa kalaunan, sa kulungan ang bagsak ninyo,” diin ni Año.
Sinabi pa ni Año na nakatakda pa silang magsampa ng siyam pang reklamo sa mga susunod na araw habang minamadali na rin ng PNP ang case build-up sa 86 iba pang kaso.
Tinukoy ng kalihim ang may 318 reklamo na ipinarating sa PNP-CIDG at sa regional field units nito patungkol sa mga katiwalian umano ng kanilang mga barangay official sa SAP distribution.
Nagpapasalamat naman ang DILG sa Department of Justice at sa Prosecutor General sa pag-aatas sa lahat ng provincial at city prosecutors na gawing prayoridad ang preliminary investigation ng mga kaso laban sa inaakusahang barangay officials.
“We are grateful to the DOJ and the Prosecutor General for prioritizing these cases. We need to send a strong message to corrupt barangay officials that their criminal activities will not be tolerated,” pahayag naman ni DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya.





Comments