Hirit ng grupo ng mga private hospitals kay P-Duterte... Sec. Duque, sibakin na
- Madel Moratillo
- May 25, 2020
- 2 min read

Hiniling ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) kay Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na si Health Secretary Francisco Duque III.
Sa liham ng PHAPi kay Pangulong Duterte na pirmado ng kanilang presidente na si Dr. Rustico Jimenez, nakasaad na nais din nilang maalis na si Duque bilang Chairman ng PhilHealth.
Nakasaad sa liham na puno na umano ang kanilang mga miyembro sa mga pangako ng DOH.
Maraming miyembro aniya nilang ospital ang "financially drained" sa kahihintay ng pangakong reimbursement sa kanila ng PhilHealth.
"Respectfully, our members feel they have enough promises of PhilHealth and the Department of Health both government agencies respectively chaired and headed by Secretary Francisco T. Duque III, MD. Just to cite among the most important one, our members are given the run around by PhilHealth when asked about the Interim Reimbursement Mechanism (IRM). Although some have already received their share, most however are now so financially drained as they are still waiting for the promised IRM," bahagi ng liham ng PHAPi.
Apela ng PHAPi na binubuo ng 744 miyembro na pawang pribadong ospital, sa Pangulo na magtalaga ng kalihim ng DOH na kayang tugunan ang mga pangangailangan at isyung pangkalusugan ng bansa.
Nilinaw naman ng PHAPi na mataas ang kanilang pagkilala kay Duque bilang kasamahan sa healthcare industry pero maaaring pagod na rin umano ito.
Apela pa nila sa Pangulo, magtalaga ng mas bata upang mamuno sa DOH at PhilHealth.
"We have high regards for him as one among our esteemed colleagues in the healthcare industry but he seems to be already so exhausted that there is need for a fresh blood and a fresh mind to lead the Department of Health and the PhilHealth," bahagi pa ng liham ng PHAPi.
Umaasa ang grupo na mabibigyang pansin ng Pangulo ang kanilang kahilingan para na rin umano sa kapakanan ng mga pagamutan sa bansa.





Comments