Paggalaw ng ekonomiya at kaligtasan ng taumbayan, nakasalalay sa susunod na hakbang ng Metro Manila
- Ryan B. Sison
- May 24, 2020
- 2 min read

Higit isang linggo nang nakasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang National Capital Region (NCR), Laguna at Cebu City.
Gayunman, kailangan nang paghandaan ng mga lokal na pamahalaan ang magiging sitwasuyon ng community quarantine sa high-risk areas, kaya naman kaugnay nito, nakatakdang magpulong sa Mayo 27, Miyerkules ang 17 alkalde ng Metro Manila Council (MMC) hinggil sa gagawing rekomendasyon kung palalawigin ang MECQ o ibababa sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Ayon kay MMC Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez, naiipit ang Metro Manila mayors sa economic at health issue bago pa man ipatupad ang MECQ sa NCR, Laguna at Cebu City.
Para kay Olivarez, mas gusto aniyang mailagay sa GCQ ang Metro Manila mula Hunyo 1 dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya. Sa ilalim ng GCQ, maaaring magbukas ang mga shopping malls at shopping centers, pero mananatiling sarado ang mga leisure establishment at mahigpit na ipatutupad ang quarantine protocols tulad ng pagpapakita ng quarantine pass at identification card, ganundin kailangang magsuot ng facemask at sumailalim sa temperature check, habang isang miyembro lang ng pamilya ang puwedeng makapasok sa establisimyento.
Bagama’t nauunawaan nating kailangan nang gumalaw ng ekonomiya, pero kasabay nito ay hindi dapat malagay sa alanganin ang kalusugan ng mamamayan.
Panawagan natin sa mga alkalde, maging balanse sana ang magiging rekomendasyon ninyo.
Marami ang apektado, lalo na sa hanay ng negosyo, pero kung pag-usad ng ekonomiya ang pag-uusapan, hindi naman siguro masama na magdahan-dahan.
Hindi natin kontrolado ang pagkalat ng virus kaya hangga’t maaari, maging maingat tayo sa mga hakbang na gagawin natin.
Handa na ba talaga tayong sumailalim sa GCQ? Ano’ng plano natin para hindi sumadsad ang mga negosyo nang nananitiling ligtas ang publiko?
Tutal, may ilang araw pa bago matapos ang MECQ, sana ay magkaisa ang mga alkalde sa rekomendasyon at plano para sa bawat lungsod.
‘Ika nga, ang bawat hakbang ay mahalaga dahil dito nakasalalay ang kaligtasan at kinabukasan ng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments