COCO, BINIGYAN NG DATUNG ANG FAN NA NAGBASAG NG TV, PATI MGA KAIBIGAN, NAAMBUNAN
- Julie Bonifacio
- May 22, 2020
- 3 min read

Tinupad ng Kapamilya actor na si Coco Martin ang pangako niyang bagong telebisyon at tulong sa kanyang male fan na nag-post ng kanyang video bilang suporta sa idolo niyang aktor sa ABS-CBN nang patigilin ng NTC sa pag-broadcast ang network.
Ang male fan ni Coco sa kumalat na video sa internet ay naglabas ng pagkadismaya pagkatapos maipasara sa ere ang ABS-CBN noong May 5.
Galit 'yung mama dahil hindi na raw niya mapapanood ang top-rating and longest action serye sa TV na pinagbibidahan ni Coco, ang FPJ's Ang Probinsyano.
At sa labis na pagkadismaya, ibinagsak pa ng male fan ang kanyang telebisyon habang nakasabit sa kanyang balikat ang t-shirt na may tatak ng mukha ni Coco.
Nag-viral ang naturang video sa social media hanggang nakarating kay Coco. Naka-post din sa Instagram account ni Coco ang naturang video at sa caption ng kanyang IG post ay nagpasalamat ang aktor sa suporta ng kanyang dismayadong fan.
Mensahe ni Coco sa mama, "MARAMING SALAMAT 'TOL SA IYONG SUPORTA!!! PAGBALIK NAMIN, PAPALITAN KO 'YANG TV MO NG MAS MALAKI, PANGAKO KO SA 'YO 'YAN!!! PATI MOTOR, BIBIGYAN KITA PAGBALIK NA PAGBALIK NAMIN!!! MARAMING-MARAMING SALAMAT SA LAHAT NG TAONG SUMUSUPORTA AT NAKIKIRAMAY SA AMIN. HINDING-HINDI NAMIN KAYO MAKAKALIMUTAN!!!"
Two weeks after ay nag-post ulit ng bagong video ang naturang male fan ni Coco. This time, mahinahon at nakangiti na ito sa video habang suot na ang t-shirt niya na may mukha ni Coco.
Sa kanyang latest video ay nagpakilala ang male fan ni Coco. Rex ang pangalan niya at taga-Surigao.
Hindi raw niya inakala na makakaabot kay Coco ang kanyang video na in-upload ng kanyang mga ka-batch noong May 6.
"Ako ay nagpapasalamat sa staff n'yo (Coco and ABS-CBN). Ipinahanap ninyo ako rito sa Surigao. Mga tatlong araw 'yun o apat na araw, nagtanung-tanong sila," kuwento ni Rex.
Pagpapatuloy pa niya, "Dahil sa sinabi mo, Idol, na papalitan mo 'yun (TV), mas malaki pa d'yan, akala ko, wala lang, parang joke lang."
Ipinakita sa video ang pagdeposito sa ATM ng pambili ng TV ni Rex from Coco at pati na pag-withdraw niya sa pera.
"Pumunta agad ako sa bilihan ng TV. Nakita ko mukha mo sa ini-endorse mo na TV. Ayun ang binili ko," with matching picture ng pagbili niya sa TV.
Nagsalita rin ang misis ni Rex sa video at nagpasalamat din sa ibinigay na tulong ni Coco sa pamilya niya.
"Tapos, tinulungan din niya ang pamilya namin. At least, may magagastos kami ngayon, eh, kabuwanan ko," sabi ng misis ni Rex.
Bukod kay Rex at sa pamilya niya, nagpadala rin ng tulong si Coco sa mga ka-batch ng kanyang tagahanga.
Sinabi pa ni Rex na na-surprise raw talaga siya sa ipinakitang kabutihan ni Coco sa kanya.
"Hindi ko akalain na 'yun ang ibinigay ng Panginoon sa akin galing sa inyo. God bless po sa 'yo. Sana, mag-ingat ka palagi. Sana, magdasal ka palagi sa Panginoong Diyos. Sana, bigyan ka ng lakas at magandang buhay. Sana, marami pang biyaya ang dumating sa 'yo para marami ka pang matulungan, Coco Martin."
Sa huli, si Rex naman ang nagsabi ng kanyang suporta kay Coco sa "laban" na kinakaharap ng aktor.
"Ipaglaban mo..... ipaglalaban naming mga fans mo rito sa Surigao. Idol, maraming salamat talaga. Huwag po nating iiwan si Idol Coco. Solid po tayo," diin pa niya.





Comments