top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Buwis na ipapataw sa mga multinational online streaming services at digital economy, ‘di makaaapekto

  • Bong Revilla
  • May 22, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Marami ang natuwa nang magsumite tayo ng resolusyon na buwisan na ang multinational online streaming services at digital economy sa kabuuan ngunit may mga nagtatanong kung maaapektuhan ba ang mga palaging naka-online.

Isinumite ko ang PS Res. No. 410 upang himukin ang Senate Committee on Ways and Means na magsagawa ng inquiry, in aid of legislation, sa posibilidad na makapangolekta ng buwis mula sa multinational online streaming services at sa digital economy ngunit wala akong planong isama ang mga gumagamit nito.

Naisip ko ang resolusyong ito, para makadagdag-pondo sa ating pamahalaan na masyado nang dapa dahil sa mga gastusin sa paglaban sa COVID-19 pandemic at hindi para dagdagan pa ang pahirap sa ating mga kababayan na gumagamit ito.

Sa kasalukuyan ay may mga bansang technologically-advanced na tulad ng Norway, Australia, Japan, France, South Korea, United Kingdom, Singapore at Malaysia na nagpasa na ng kani-kanilang bersiyon ng digital service tax laws at umiiral na ito para makapangolekta ng buwis.

Isa pa, ang pagsasagawa ng digital taxation framework ay isang istratehiya na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force Technical Working Group (IATF-TWG) para sa plano sa hinaharap at bagong pag-asa.

Bago pa man ang COVID-19 pandemic, ang digital economy ng bansa ay inaasahang lalago ng mahigit sa 250% mula sa $7 billion hanggang $25 billion sa taong 2025, katumbas ng 5.3 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa.

Hindi nabubuo ang araw ng mga Pinoy na hindi mag-online kahit ano pa ang ginagawa na kadalasang kumukonsumo ng halos 10 oras at dalawang minuto sa internet, na lagpas sa global average online time na anim na oras at 42-minuto kada araw.

Umuubos umano ang mga Pinoy ng apat na oras at 12-minuto sa iba’t ibang social media platforms araw-araw, na halos doble ng global daily average na dalawang oras at 16-minuto. Idagdag pa ang 3.3-oras at 16-minutong panonood araw-araw online sa cellphone.

Dahil dito ay napakabilis nang paglago ng digital economy hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo at sa gitna ng sitwasyon natin sa COVID-19 pandemic ay hindi naapektuhan ang kanilang pag-unlad.

Malaking bagay ang makakalap na kita ng pamahalaan mula rito sapagkat maaari itong gamiting pantustos sa national economic recovery plan, lalo na sa rehabilitasyon ng mga apektadong industriya at sa konstruksiyon ng makabagong paaralan na kumpleto sa digital technologies at laboratories.

Habang patuloy ang pagpapatupad natin ng quarantine measures tulad ng social distancing, pagbabawal sa mass gathering at sa pagpasok natin doon sa tinatawag na ‘new normal,’ tiyak na mas marami tayong kababayan na gagamit ng technology-based services tulad ng mga online streaming at online market.

Marami sa ating online businesses ay sakop na ng taxation laws, tulad ng multinational corporations na may mga sophisticated technological capabilities, na kahit kakaunti ang mga tauhan ay napakalaki pa rin ng nasasakupan ng kanilang operasyon kaya nararapat lamang na singilin ng karampatang buwis.

Kaya sa mga kababayan natin, relax lang, hindi kayo damay dito pero damay tayo sa pag-unlad.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page