Habang may time pa sa bahay, try n’yo na! Tips para maging interesado sa arts ang mga tsikiting
- Justine Daguno
- May 21, 2020
- 2 min read

Ang pagkakaroon ng mahabang panahon kasama ang pamilya ang isa sa mga positibong dulot ng pansamantalang pananatili natin sa bahay.
Malaking bagay ngayon sa mga magulang partikular sa mga working parents na masubaybayan ang progreso ng kanilang anak. Ayon sa mga eksperto, karaniwang nakikita ang potensiyal ng tao habang bata pa lamang ito. Kaya bilang nakatatanda, dapat maging aware at observant tayo sa mga ikinikilos ng mga bagets.
Ngunit hindi lahat ng bata ay nakikitaan agad ng interest sa mga bagay-bagay, lalo na sa arts na siyang pangunahing konsepto upang mahubog ang potensiyal nito—may mga bata na kailangan ng tulong upang ma-discover ito.
Narito ang ilang paraan upang matulungan ang ating mga bagets na maging interesado sa arts:
1. Magbigay ng ideya. Maaaring magpatugtog ng masasaya o lively na musika. Hayaan silang sumabay sa pagkanta o pagsayaw. Maaari rin silang manood ng mga pambatang videos saka obserbahan kung meron sa mga ito ang makakukuha ng kanilang atensiyon bago simulan itong ipaliwanag sa kanila.
2. Samahan silang sumayaw. Kung sa palagay mo ay nag-e-enjoy o natutuwa siya sa pagsayaw, maaari siyang sabayan nang sa gayun ay hindi ito mailang o mahiya na gawin ito mag-isa. Puwede rin kayong manood ng mga choreograph dance sa T.V., social media at iba pa upang mas marami pa siyang matutunang sayaw.
3. Isama ang bata habang nagluluto. Oks din na magkaroon ng interest sa culinary arts ang mga bata kaya hayaan silang manood kapag tayo ay nagluluto—mula sa paghuhugas at paghihiwa ng mga sangkap hanggang sa paghahanda ng pagkain sa lamesa. Maaari rin siyang turuan sa paraan ng pagluluto nang paulit-ulit o sumubok ng isang recipe kada linggo nang sa gayun ay lumawak pa ang ideya nito.
4. Gumamit ng mga alternatibo. Dahil sa panahon ngayon ay hindi pa puwedeng pumunta sa mga museum o family entertainment center, manood na lamang mga pambatang movies o informative videos. Makatutulong ito upang ma-curious o maengganyo sa mga bagay-bagay ang mga bata. Puwede rin i-try kung magugustuhan nila ang pagpe-paint, pagkukulay o pagdo-drawing.
Sa panahon ngayon na sobrang moderno na, maraming paraan upang matulungan natin ang mga bata na malaman ang interest nito. Tandaan na huwag silang pilitin sa mga bagay na tayong matanda talaga ang interesado, hayaan silang magdesisyon sa mga ito at ang tangi lamang nating gagawin ay gabayan sila.








Comments