Gobyerno, galaw-galaw para makabangon ang ekonomiya, ‘wag puro asa sa pribadong kumpanya
- Ryan B. Sison
- May 21, 2020
- 2 min read

Hindi pa rin pinapayagan ang pampublikong transportasyon sa mga lugar na nakasailalim sa modified enhanced community (MECQ), kaya naman kahit pinapayagan nang magbalik-trabaho ang manggagawa, marami pa rin ang hindi makapasok dahil sa kawalan ng transportasyon.
Dahil dito, iginiit ni Labor Employment Sec. Silvestre Bello III na hindi puwedeng basta na lamang sibakin ang mga empleyado na hindi makakapasok sa trabaho dahil walang masakyan.
Hindi umano mapuwersa ng pamahalaan ang mga kumpanya na mag-provide ng shuttle o sleeping quarters sa kanilang mga empleyado, pero kung hindi naibigay ng kumpanya ang mga ito, hindi rin nila mapupuwersa ang mga empleyado na pumasok.
Gayundin, hindi puwedeng gamiting “ground for dismissal” o “disciplinary action” kung ang empleyado ay hindi makapasok. Kung talagang gusto ng kumpanya na makabalik sa operasyon, dapat umano nilang ibigay ang shuttle service o maglaan ng puwesto sa opisina na puwedeng tulugan.
Hindi talaga katanggap-tanggap na dahilan para sibakin ang manggagawa na hindi makapasok sa trabaho dahil walang masakyan dahil hindi nila ‘yun kasalanan.
Bagama’t hindi sapilitan ang muling pagbubukas ng negosyo, hindi natin masisisi ang ilang pribadong sektor na gustong bumalik sa operasyon.
At aminin na natin, hindi lahat ng kumpanya ay may kakayahang magbigay ng service o pansamantalang matutuluyan ng mga empleyado at ito ang dahilan kaya walang choice ang mga manggagawa kundi maglakad nang kilo-kilomtero para lang makapagtrabaho.
Gusto ninyong gumalaw ang ekonomiya, pero ipinapasa ninyo ang responsibilidad sa pribadong sektor. Problema kasi sa atin, ang daming bawal pero wala namang alternatibong solusyon.
Paano tayo uusad kung walang plano? Hindi ba talaga uubra na payagan na ang pampublikong transportasyon?
Kung matagal pa ang hihintayin natin bago payagang bumiyahe ang mga ito, paano ang mga pribadong sektor at manggagawa? Ibig sabihin ba nito, matagal-tagal pa silang matetengga at aasa sa tulong ng gobyerno?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments