Apela ng mga guro sa DepEd... Balik-eskuwela sa Agosto 24, 'wag ituloy
- Madel Moratillo
- May 20, 2020
- 1 min read

Umapela ang Teacher's Dignity Coalition sa Department of Education na ikunsidera ang desisyon na gawin sa Agosto 24 ang pagbubukas ng klase sa gitna na rin ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19.
Babala ni Benjo Basas, chairperson ng TDC maaaring mas malaking krisis ang kaharapin ng bansa kung itutuloy pa rin ang pagbubukas ng klase sa Agosto.
Paliwanag ni Basas, halos ngayon pa lamang nagsisimula ang bansa sa malawakang COVID testing at maaari pa itong umabot sa Agosto na siya namang pagbubukas ng school year 2020-2021.
Ang sinasabi naman aniyang ibang paraan ng pagtuturo sa ilalim ng new normal ay maaaring magdulot ng diskriminasyon sa maraming mag-aaral lalo na sa mga mahihirap na pamilya.
"Ang ibang mga pamamaraan maliban sa face to face learning ay maaaring magdulot lamang ng diksriminasyon sa malaking bilang ng mga mag-aral, lalo na yaong mga nasa liblib na komunidad at mahihirap na pamilya," pahayag ni Basas.
Payo ng grupo, dapat magkaroon ng malawakang konsultasyon ang DepEd sa mga magulang at guro hinggil sa usapin ng pagbubukas ng klase.
Duda rin si Basas kung magiging epektibo ang mass testing bago ang pasukan.
"Hinggil naman sa mass testing bago ang pasukan, maaaring hindi rin ito maging epektibo sapagkat maaari nang negatibo sa test ang mga guro at mag-aaral ngayon pero positibo na kinabukasan," pahayag ni Basas.
Kung wala aniyang katiyakan sa kaligtasan ng mga guro at mag-aaral sa Agosto ay makabubuting ipagpaliban na lang ang pagbubukas ng klase.





Comments