Alamin: Paano nga ba maiiwasan ang breast cancer?
- Shane Ludovice
- May 20, 2020
- 3 min read
Dear Doc. Shane,
Breast cancer ang ikinamatay ng nanay ko, gayundin ang kanyang kapatid at pinsan, in short ay nasa lahi nila ang sakit na ito. Natatakot ako dahil puro babae ang apat kong anak. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito? – Erlinda
Sagot
Ang kanser sa suso (breast cancer) ay bunga ng hindi mapigil na pagdami ng mga cancer cells sa dibdib. Karamihan ng mga nagkakaroon nito ay mga babae, pero maaari rin itong makaapekto sa kalalakihan.

Nagsisimula ang kanser sa suso bilang tumor. Pero sa paglala nito, ang tumor ay lalong lumalaki at nagsisimulang umatake sa mga laman sa paligid nito at ito ay tinatawag na metastasis.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng kanser sa suso:
Pagkakaroon ng bukol na kapag hinipo ay hindi tulad sa iba pang mga laman ng suso
Pagbabago sa balat ng suso tulad ng pagkakaroon ng maliliit na mga biloy (dimples)
Pagbabago sa laki, hugis at hitsura ng suso
Nakabaon na utong
Pamumula ng balat ng suso
Pagbabalat, pangangaliskis o pagbibitak ng areola o mismong balat ng suso
Ang mga pangunahing salik sa panganib sa pagkakaroon ng kanser sa suso ay ang mga sumusunod:
Bagama’t ang mga lalaki ay maaaring magkaroon ng kanser sa suso, ang panganib ng pagkakaroon nito ay mas mataas sa mga kababaihan.
Habang nagkakaedad ay lalo namang tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon nito.
Pagkakaroon ng kanser sa suso sa pamilya. Kapag ang ina, kapatid na babae o anak na babae ng sinumang babae ay nagkaroon o kasalukuyang mayroong kanser sa suso, may panganib na maaari siyang magkaroon nito.
Mayroong mga pagbabago sa genes na dumadagdag lalo sa posibilidad ng magkaroon ng kanser sa suso na maaaring maipasa mula sa magulang papunta sa anak.
Pagkakaroon ng kondisyon sa suso. Kapag may natagpuang lobular carcinoma in situ (LCIS) o atypical hyperplasia sa suso, mataas ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa suso.
Pagkakalantad sa radiation. Ang pagkakaroon ng radiation test sa gawing dibdib ay maaaring magdulot ng kanser sa suso.
Tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa suso kapag napakataba ng babae.
Maagang pagkakaroon ng regla. Kapag ang babae ay niregla na bago pa mag-12 taong gulang, lumalaki ang posibilidad ng pagkakaroon niya ng kanser sa suso.
Pagkakaroon ng menopause sa mas mataas na edad. Ang babaeng nagsimulang makaranas ng menopause sa mas matandang edad ay mayroong mas mataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa suso.
Ang mga babaeng may edad na nang manganak ay may mataas na panganib ng pagkakaroon ng kanser sa suso.
Ang mga babaeng kailanman ay hindi pa nagbubuntis ay may mas mataas na posibilidadng magkaroon ng kanser sa suso kaysa sa mga nanganak na minsan o ilang beses na.
Ang kababaihang sumasailalim sa hormone therapy na may pinagsamang estrogen at progesterone para sa menopause ay mayroon ding malaking posibilidad na magkaroon ng kanser sa suso.
Labis na pag-inom ng nakalalasing na inumin. Ang labis na pag-inom ng nakalalasing na mga inumin ay salik din sa panganib ng pagkakaroon ng kanser sa suso.
Sa ngayon ay wala pang tiyak na paraan upang maiwasan ang kanser sa suso. Subalit, mayroong mga hakbang na maaaring gawin upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon nito tulad ng mga sumusunod:
Iwasan ang madalas na pag-inom ng alak
Palaging kumain ng sariwa at masustansiyang pagkain tulad ng mga prutas at gulay
Sikaping magkaroon ng sapat na pahinga
Iwasan ang sobrang stress
Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo




Comments