Pati namimigay ng SAP cash aid... 300 frontliners, isinailalim sa rapid at swab testings
- Gina Pleñago
- May 19, 2020
- 2 min read

Isinailalim ngayong araw, sa rapid at swab testings ang mga frontliners ng Las Piñas City bilang hakbang ng lokal na pamahalaan para masiguro ang kalusugan ng mga ito sa gitna ng krisis na dulot ng Coronavirus Disease 2019.
Nasa 300 ang mga frontliners na pawang social workers mula sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO), mga day care teachers na tumulong sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP) cash assistance at tauhan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO).
Sinabi ni Las Piñas City Health Office (LPCHO) chief, Dr. Ferdinand Eusebio na kabilang ang nasabing aktibidad sa isinasagawang mass testing ng LGU para sa mga frontliners at mga suspected COVID-19 cases sa lungsod.
"Bukod pa po rito ang isinasagawa nating testing sa mga bahay-bahay lalo na pinaigting pa ng ating LPCHO ang kanyang contact tracing upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa lungsod," pahayag ni Dr. Eusebio.
Ang Philippine Red Cross ang susuri sa mga mucus samples ng mga frontliners habang ginawang converted isolation facility naman ang Las Piñas Rehabilitation Center.
Sa datos ng LPCHO, umabot na sa kabuuang 2,058 katao na ang isinailalim sa swab testing habang nasa 762 indibidwal ang isinalang na sa rapid testing sa lungsod.
"Importante sa akin na ma-swab at ma-test ang mas maraming tao sa Las Piñas. Ito ay para mas mabilis natin mabawasan ang kaso sa ating lungsod kung gagawin natin ito," sabi ni Mayor Mel Aguilar.
Binigyang-diin ng alkalde na may karagdagang pasilidad na gagamitin sa mass testing sa lungsod.
Kabilang dito ang ilang rapid at swab testing booths na nasa LIGTAS for COVID-19 Centers at ang converted mobile swabbing unit na inihahanda na ng lokal na pamahalaan.





Comments