Career ng Metal Dragon, magiging masagana kung makikinig sa mga nakatatanda
- Maestro Honorio Ong
- May 19, 2020
- 2 min read

Sa pagpapatuloy ng pagtalakay ng magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Dragon ngayong Year of the Metal Rat.
Tandaang ayon sa taglay na elemento, may limang uri ng Dragon at ito ay ang mga sumusunod:
1. Earth Dragon o Lupang Dragon - silang mga isinilang noong 1928 at 1988
2. Gold o Metal Dragon, na tinatawag ding Gintong Dragon - silang mga isinilang noong 1940 at 2000
3. Water Dragon o Tubig na Dragon - silang mga isinilang noong 1952 at 2012
4. Wood Dragon o Kahoy na Dragon - silang mga isinilang noong 1904 at 1964
5. Fire Dragon o Apoy na Dragon - silang mga isinilang noong 1916 at 1976
Sa artikulong ito, ang tatalakayin natin ay ang Gold or Metal Dragon o ang Metal Dragon.
Higit na yumayaman ang Metal Dragon kung ikukumpara sa ibang kapatid niyang Dragon dahil hindi lang Metal ang ipinapahiwatig ng kanyang kapalaran kundi lantay na ginto rin, na nangangahulugan ng kasaganaan, layaw, ligaya at sarap sa buhay.
Ngayong 2020, higit na mapapanuto ang buhay at career ng Metal Dragon kung lagi siyang susunod sa mga taong nakatataas o nakatatanda sa kanya, kaya ang pagsuway at katigasan ng ulo ay hindi dapat pairalin ng Metal Dragon, lalo na sa panahong ito na patuloy sa paglaganap ang Covid-19.
Dagdag pa rito, dahil sa likas na pagiging mabait at mahusay gumawa ng mga istratehiya, ang Metal Dragon ay laging papatnubayan ng langit sa anumang kanyang ginagawa. Kaya naman, kahit siya ay masuong sa pagsubok o mahirap na gawain, ito ay gagaan dahil ito ay padadaliin ng langit. Kaya naman anumang mahahalaga at kahit hindi mahalagang inaatupag ng Metal Dragon, tiyak na madadala niya sa tagumpay at malaking achievement ang mga ito.
Sa pag-ibig at pananalapi, ang taong ito ng 2020 ay maraming ipinapangako na magagandang kapalaran, ngunit hindi pa ito magaganap. Sa halip, ang magaganda at positibong kapalarang may kaugnayan sa pag-ibig at salapi ay sa kalagitnaan hanggang sa last quarter pa ng 2020 ganap na mamumunga at darating.
Kung hindi magiging pihikan at higit na paiiralin ang puso kaysa sa isip, may pangako rin ng matamis at masarap na romansa sa buhay ng Metal Dragon kung saan ang love story na ito ay itatala bilang isa sa mga karanasang hinding-hindi niya malilimutan.
Itutuloy




Comments