Patakaran sa pagpapaskil ng certificate of registration ng dentista sa mga klinika
- Persida Acosta
- May 18, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako bilang receptionist sa dental clinic at napansin ko na walang nakapaskil na certificate of registration ng dentista sa aming opisina. Ang sabi sa akin ng nagpapatakbo ng nasabing clinic ay tama lang na walang certificate of registration sa aming opisina dahil nakapaskil naman ito sa kanyang main clinic. Tama ba ito? – Teodora
Dear Teodora,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 28 ng Republic Act No. 9484 o mas kilala bilang Philippine Dental Act of 2007 kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Sec. 28. Display of Name and Certificate of Registration. - Every registered practicing dentist, dental hygienist and dental technologist shall display in a conspicuous place in the building or office where he/she practices, his/her name and his/ her certificate or registration in plain sight of patients who enter the dental office, or dental clinic or dental laboratory. In the case where the dentist has more than one clinic, the original certificate of registration should be displayed in his/ her main office or clinic, and he/she shall display a copy of his/her certified original certificate of registration in the other branch or branches of his/her practice. xxx.” (Binigyang-diin)
Malinaw na isinasaad ng batas na ang bawat rehistradong dentista ay nararapat magpaskil ng kanyang certificate of registration sa mapapansin na lugar sa loob ng gusali o opisina kung saan siya nagtatrabaho kung saan madali itong makikita ng mga pasyente na papasok sa dental office, dental clinic o dental laboratory. Kung sakaling mayroong higit sa isang clinic ang dentista, nararapat na magpaskil siya ng kanyang original certificate of registration sa kanyang main clinic at kopya ng certified original certificate of registration sa kanyang pinagtatrabahuang branch o branches.
Sa inyong sitwasyon, sapagkat mayroong higit sa isang clinic ang nasabing dentista, nararapat siyang magpaskil ng kopya ng kanyang certified original certificate of registration sa inyong klinika na nagsisilbing branch ng kanyang main clinic.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga salaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.





Comments