Pagbalik ng lockdown, nakasalalay sa disiplina at pagiging responsable ng publiko
- Ryan B. Sison
- May 18, 2020
- 2 min read

Maraming nadismaya at naalarma sa umano’y pagkasabik ng ating mga kababayan matapos luwagan ang lockdown.
Dahil bukas na ang mga mall, agad itong dinagsa at hindi maitatangging nalabag ang social distancing, gayundin, bumuhos ang mga pribadong sasakyan sa mga pangunahing kalsada.
Kaugnay nito, nagbabala si Department of Health (DOH) Spokesperson Maria Rosario Vergeire na muling ipatutupad ang lockdown kung tataas ulit ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Ito ay kasunod ng pagdagsa ng tao sa mga mall nang magsimula ang implementasyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) at general community quarantine (GCQ) noong Mayo 16, Sabado.
Paalala ni Vergeire, kahit nasa MECQ o GCQ, nananatili pa rin ang community quarantine at ang bawat isa ay may responsibilidad at obligasyon na sumunod sa panuntunan nang sa gayun ay mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa totoo lang, hindi nawawala ang posibilidad na muling tumaas ang COVID-19 cases gayung sa unang araw pa lang ng pagluwag ng lockdown ay sandamakmak na ang naglabasan sa bahay para maglakwatsa.
Gayundin, ayon kay Dr. Anthony Leachon, Adviser to the Inter Agency Task Force on COVID-19, kitang-kita ang pagiging pasaway ng mga Pinoy kaya hindi malabo ang second wave ng sakit kapag nagpatuloy ang ganitong sitwasyon.
Nakadidismaya dahil hanggang ngayon, problema pa rin ang pagiging ignorante ng mga Pinoy. Malinaw naman ang guidelines ng MECQ at GCQ kung saan sinasabing hindi lahat ay puwedeng lumabas, pero sige pa rin tayo sa pagpapasaway.
Sa Cavite, pansamantalang isinara ang lahat ng mall dahil sa paglabag sa social distancing at nadagdagan ng 40 bagong kaso mula nang umiral ang GCQ.
Ayaw nating maulit ang lockdown dahil tiyak na maaapektuhan na naman ang ating hanapbuhay o negosyo, kaya naman dapat nating seryosohin ang babala hangga’t maaga pa.
Buhay at kalusugan natin ang nakasalalay dito, kaya ‘wag nating kalimutan na hindi freedom pass ang pagluwag ng lockdown para gawin ang gusto nating gawin sa labas.
Ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa ating mga kamay kaya pag-isipan nating mabuti ang bawat kilos o hakbang na gagawin natin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments