23 barangay officials, tinuluyan sa anomalya sa SAP
- V. Reyes
- May 18, 2020
- 1 min read

Nahaharap sa reklamong kriminal dahil sa umano'y katiwalian sa pamamahagi ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ang 23 barangay officials.
Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na sinampahan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Department of Justice ng reklamong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 11469 o Bayanihan to Heal As One Act ang mga nasabing opisyal. Sinabi pa ng kalihim na sa mga susunod na araw ay may apat pang reklamo ang maidaragdag.
Kasabay nito, inihayag ni Año na mayroong inihahandang case build-up laban naman sa may 110 barangay officials na isinumbong sa pagkakasangkot sa korupsiyon sa gitna ng national health crisis.
"Sunod-sunod na ang pagsampa ng kaso ng PNP-CIDG laban sa mga tiwaling opisyal ng barangay at sa kanilang mga kasabwat sa mga anomalya sa pagbibigay ng SAP," pahayag ni Año.
"Puspusan na rin ang imbestigasyon at case build-up para masigurong makakalaboso ang mga walang-hiyang tao na ito na nakuha pang manggantso sa mga mahihirap nating kababayan,” dagdag pa nito.
Tinukoy ni Año na karamihan sa mga nasasangkot sa anomalya ay ang kapitan ng barangay, mga kagawad, barangay treasurer, barangay secretary, barangay employees, purok leaders at kahit social workers.
Sinabi naman ni DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya na karaniwan sa mga reklamo laban sa barangay officials ay ang paghahati ng cash assistance, pagmanipula ng masterlist ng benepisyaryo at pagkubra ng tara mula sa beneficiaries.





Comments