top of page

Biyayang maituturing ang masaganang ulan sa kapistahan ni San Isidro Labrador

  • Fr. Robert P. Reyes
  • May 17, 2020
  • 3 min read

Sinimulan ng parokya ng San Isidro Labrador sa Pinyahan, QC ang prusisyon ng imahen ni San Isidro noong ika-6 ng Mayo, ang unang araw ng nobenaryo ni San Isidro. Dasal natin noong unang araw nito at bawat araw na sana’y hindi umulan. Hindi umulan noong ika-6 at ika-7 ng Mayo, ngunit noong ika-8 ng Mayo, Biyernes sa kalagitnaan pa lamang ng misa ay bumuhos na ang ulan at hindi ito tumigil hanggang katapusan ng misa. Hindi namin naituloy ang prusisyon ngunit, malaking pasasalamat ang ating ipinahayag sa pagdating ng pinakahihintay na ulan. Salamat, San Isidro sa Ulan. Maraming salamat po!

At dumating na ang mismong araw ng pista ni San Isidro. Umuulan at wala itong tigil. Paano na ang mga gawain sa araw ng pista? Magbabahagi pa naman kami ng pansit sa mga kalye sa palibot ng simbahan. Paano namin ito gagawin sa gitna ng masaganang ulan na handog ni San Isidro Labrador? Teka, bakit tila nagrereklamo pa tayo, samantalang matagal na nating ipinagdarasal ang ulan?

Ika-6 pa lang ng umaga, dumating na ang mga magluluto ng pansit. Nagsimula na silang maggayat ng mga gulay at magpakulo ng mga manok. Kailangang mauna sila bago dumating ang mga magluluto ng kanin at menudo. Dalawang malaking grupo ang aming pakakanin—nasa 100 na pamilya na ipadadala lamang ang isang kinatawan upang kunin ang pagkain sapat para sa kanilang lahat at mahigit 700 na balot ng pansit at pandesal para sa mga parokyanong nakatira sa palibot ng simbahan. Posible ba ito sa gitna ng masaganang ulan at Signal no. 2 na nakaamba sa buong Metro Manila?

Natapos lutuin ang dalawang talyaseng pansit bago ang ika-10 ng umaga. Nagkasundo kami ng mga kabataang volunteers na tatlo ang aming gagawin: Una, ang bumati ng “Maligayang Pista” sa mga makakasalamuha. Pangalawa, ang ipaliwanag ang kampanyang bente-bente para sa Pista 2020 upang maipagpatuloy ang pagpapakain sa mga nangangailangan sa ilalim ng Kusina ni Dok Sally at pangatlo, ang mag-abot ng pansit bilang munting pagbabahagi para sa Pista ni San Isidro Labrador.

May saysay lamang ang pagbati ng “Maligayang Pista” sa mga lugar na may nabuo at matatag nang pamayanan. Sa kabila ng malakas na ulan, may magandang ibubunga ang pagbabahay-bahay upang bumati ng “Maligayang Pista”. Naramdaman natin ang iba’t ibang pagtanggap sa naturang bati. Naramdaman natin kung nasaan na ang pagbubuo ng pamayanan at kung marami pa kaming dapat gawin.

Mahigit nang 500 pamilya na ang napakain, mahigit 2, 000 at 500 katao na ang tumanggap ng munting tulong sa pamamagitan ng hapunang pamilya. Unti-unting nabubuo ang pamayanan sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pagbabahagi ng tulong. Mahigit dalawang linggo nang naglilingkod at nagtutulungan ang mga bumubuo sa Kusina Ni Dok Sally. Salamat sa sipag ng paglilingkod.

Natapos na ang pagbabahagi ng pagkain sa 100 pamilya. Naipagdiwang na natin ang banal na misa ng Pista ni San Isidro. Hindi pa rin humuhupa ang ulan, ang masaganang pagpaparamdam ng kalikasan na minahal at pinaglingkuran ni San Isidro. Siguradong masaya ang mga magsasaka.

Malapit nang gumabi ngunit malakas pa rin ang buhos ng ulan. Kakaiba ang pakiramdam sa aming mga silid-tulugan nang gabing ‘yun dahil sa wakas hindi na pawang pugon ang mga ito. Sa wakas, nasagot ang aming panalangin na dumating ang ulan at harinawa’y dumating na rin ang lunas, ang kaligtasan sa pandemya. O, mahal na San Isidro, ipanalangin mo po kami.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page