top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 18, 2026



Fr. Robert Reyes


“Ipinahayag ng galing sa itaas ang kanyang nakita at narinig!” (Huan 3:31–36)

Ganito ang naging buong buhay ng ating Panginoon. Anumang tinanggap Niya mula sa Kanyang Ama ay Kanyang ipinahayag at ibinahagi sa iba—walang itinatago, walang sinasarili, at walang ipinagkakait. Higit sa lahat, hindi Niya itinago ang liwanag ng katotohanan.


Ngunit ayon sa ebanghelyo, “dumating ang liwanag ngunit hindi ito tinanggap” (Huan 3:16–21). Mula sa mga unang propeta hanggang sa mga sumunod pa, bagama’t kanilang ipinahayag ang katotohanan, marami sa kanila ang pinahirapan at pinatay sa halip na pakinggan. Sa kabila nito, nanatili silang matatag at tapat sa kanilang bokasyon ng pagpapatotoo. Ganoon din ang buhay ni Kristo—mula simula hanggang wakas, nanatili Siyang tapat sa katotohanan.


Sa kasalukuyang panahon, tila may panibagong “hanapbuhay” na mataas ang kita—ang pagsisinungaling at pagpapakalat ng “fake news.” Ito ang gawain ng mga “troll” na gumagamit ng social media upang baluktutin at baguhin ang katotohanan. Batid ito ni Papa Leo XIV, kaya’t patuloy ang kanyang walang sawang panawagan na itigil ang digmaan at bumalik sa diyalogo at mapayapang pag-uusap.


Habang nababahala ang mundo sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, nagpapatuloy naman ang paghahanap ng katotohanan sa pamamagitan ng impeachment process sa Kongreso. Kamakailan, dininig ang pahayag ni Ramil Mariaga hinggil sa kanyang umano’y papel bilang “bagman” ng dating Pangulo at ng Bise Presidente.


Kasabay nito, kinatigan ng Commission on Audit (COA) ang “Notice of Disallowance” laban sa Office of the Vice President kaugnay ng P73.28 milyong ginamit noong 2022. Ayon sa COA, ang naturang pondo ay napunta sa mga proyektong walang malinaw na kaugnayan sa itinakdang layunin, tulad ng surveillance, intelligence gathering, at peacekeeping. Sa inilabas na dokumento noong Agosto 8, 2024, nabanggit din ang kakulangan ng sapat na batayan upang mapatunayang naging epektibo ang mga proyektong pinondohan.


Ipinaliwanag ng COA na ang Notice of Disallowance ay ibinibigay sa mga transaksyong itinuturing na ilegal, irregular, hindi kailangan, labis, maluho, o labag sa konsensiya. Gayunpaman, nilinaw din ng ahensya na hindi nito tinutukoy na “fraudulent” o imbento ang mga ulat, kundi kulang at hindi umaayon sa umiiral na patakaran ang pagsusumite ng dokumentasyon.


Dagdag pa ni Mariaga, inutusan umano siya ng Bise Presidente na maghatid ng mga bag na naglalaman ng P30 hanggang P35 milyon sa iba’t ibang lugar sa Laguna at Quezon City, na sinasabing nagmula sa Department of Education sa Pasig City.


Dahil dito, umani si Mariaga ng matinding batikos mula sa kampo ng Bise Presidente—isang hindi na rin nakapagtataka, lalo na sa harap ng malawak na network ng mga tagasuporta at online trolls. Sa ganitong sitwasyon, mahalaga ang katatagan at pag-iingat ng mga nagsasalita ng katotohanan, gayundin ng mga nagbibigay sa kanila ng proteksyon.


Hindi madali ang landas ng katotohanan. Ngunit ito ang bokasyon ni Kristo—at ito rin ang bokasyon ng sinumang pumipiling sumunod sa Kanya: ang magsabi ng totoo, sa kabila ng panganib at pagtutol.


 
 

Sinimulan ng parokya ng San Isidro Labrador sa Pinyahan, QC ang prusisyon ng imahen ni San Isidro noong ika-6 ng Mayo, ang unang araw ng nobenaryo ni San Isidro. Dasal natin noong unang araw nito at bawat araw na sana’y hindi umulan. Hindi umulan noong ika-6 at ika-7 ng Mayo, ngunit noong ika-8 ng Mayo, Biyernes sa kalagitnaan pa lamang ng misa ay bumuhos na ang ulan at hindi ito tumigil hanggang katapusan ng misa. Hindi namin naituloy ang prusisyon ngunit, malaking pasasalamat ang ating ipinahayag sa pagdating ng pinakahihintay na ulan. Salamat, San Isidro sa Ulan. Maraming salamat po!

At dumating na ang mismong araw ng pista ni San Isidro. Umuulan at wala itong tigil. Paano na ang mga gawain sa araw ng pista? Magbabahagi pa naman kami ng pansit sa mga kalye sa palibot ng simbahan. Paano namin ito gagawin sa gitna ng masaganang ulan na handog ni San Isidro Labrador? Teka, bakit tila nagrereklamo pa tayo, samantalang matagal na nating ipinagdarasal ang ulan?

Ika-6 pa lang ng umaga, dumating na ang mga magluluto ng pansit. Nagsimula na silang maggayat ng mga gulay at magpakulo ng mga manok. Kailangang mauna sila bago dumating ang mga magluluto ng kanin at menudo. Dalawang malaking grupo ang aming pakakanin—nasa 100 na pamilya na ipadadala lamang ang isang kinatawan upang kunin ang pagkain sapat para sa kanilang lahat at mahigit 700 na balot ng pansit at pandesal para sa mga parokyanong nakatira sa palibot ng simbahan. Posible ba ito sa gitna ng masaganang ulan at Signal no. 2 na nakaamba sa buong Metro Manila?

Natapos lutuin ang dalawang talyaseng pansit bago ang ika-10 ng umaga. Nagkasundo kami ng mga kabataang volunteers na tatlo ang aming gagawin: Una, ang bumati ng “Maligayang Pista” sa mga makakasalamuha. Pangalawa, ang ipaliwanag ang kampanyang bente-bente para sa Pista 2020 upang maipagpatuloy ang pagpapakain sa mga nangangailangan sa ilalim ng Kusina ni Dok Sally at pangatlo, ang mag-abot ng pansit bilang munting pagbabahagi para sa Pista ni San Isidro Labrador.

May saysay lamang ang pagbati ng “Maligayang Pista” sa mga lugar na may nabuo at matatag nang pamayanan. Sa kabila ng malakas na ulan, may magandang ibubunga ang pagbabahay-bahay upang bumati ng “Maligayang Pista”. Naramdaman natin ang iba’t ibang pagtanggap sa naturang bati. Naramdaman natin kung nasaan na ang pagbubuo ng pamayanan at kung marami pa kaming dapat gawin.

Mahigit nang 500 pamilya na ang napakain, mahigit 2, 000 at 500 katao na ang tumanggap ng munting tulong sa pamamagitan ng hapunang pamilya. Unti-unting nabubuo ang pamayanan sa pamamagitan ng pakikipag-usap at pagbabahagi ng tulong. Mahigit dalawang linggo nang naglilingkod at nagtutulungan ang mga bumubuo sa Kusina Ni Dok Sally. Salamat sa sipag ng paglilingkod.

Natapos na ang pagbabahagi ng pagkain sa 100 pamilya. Naipagdiwang na natin ang banal na misa ng Pista ni San Isidro. Hindi pa rin humuhupa ang ulan, ang masaganang pagpaparamdam ng kalikasan na minahal at pinaglingkuran ni San Isidro. Siguradong masaya ang mga magsasaka.

Malapit nang gumabi ngunit malakas pa rin ang buhos ng ulan. Kakaiba ang pakiramdam sa aming mga silid-tulugan nang gabing ‘yun dahil sa wakas hindi na pawang pugon ang mga ito. Sa wakas, nasagot ang aming panalangin na dumating ang ulan at harinawa’y dumating na rin ang lunas, ang kaligtasan sa pandemya. O, mahal na San Isidro, ipanalangin mo po kami.

 
 

Nagsimula na ang nobenaryo ng misa sa aming munting parokya ng San Isidro Labrador at ngayong dumating na ang panahon upang ipagdiwang namin ang pista ng aming parokya, nandoon na naman ang tanong: Paano namin ipagdiriwang ang Pista ni San Isidro sa malikhaing paraan na walang paglabag ng anumang batas?

Kung ipagdiriwang ang pista ng parokya sa panahon ng pandemya, kailangan gawin ang sumusunod: Pagpapasalamat, pagdiriwang, pagpapaigting ng pag-asa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtulong sa kapwa.

Una, pagpapasalamat. Maraming dapat ipagpasalamat pero ang dapat unahin ay magpasalamat sa buhay. Tayo ay pinaliligiran ng kamatayan, taong namatay at ang banta na tayo rin ay magkasakit at tuluyang sumama sa napakarami nang naunang bumalik sa kaharian ng Ama. Subalit, ang pasasalamat na ito sa panahon ng pandemya ay kailangang makita sa kongkretong pagbibigay at pagpapaganda ng buhay ng iba. Ito ang sinimulan namin sa aming parokya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pagkain sa Kusina ni Doc Sally.

Pangalawa, walang pista na malungkot. Ang pagdiriwang ay pagbibigay-kasiyahan sa lahat. Kaya ba natin magdiwang at magsaya ngayong panahon ng pandemya? Bago magsimula ang pagpapakain sa Kusina Ni Doc Sally, ang lahat ay umaawit at nananalangin. Bago magsimula ang pagbabahagi ng pagkain, inaanyayahan ang lahat na batiin ang mga katabi ng masayang “Maligayang Pista!” at “Ngitian ninyo ang inyong katabi habang binabati ito ng “Maligayang Pista.” Dapat nakikita ang tunay na galak sa inyong mga mata dahil natatabingan ang inyong mga ilong at bibig.

Pangatlo, paano paiigtingin ang pag-asa sa panahon ng pandemya? Maliban sa pagbabahagi ng pagkain (ng katawan), maaaring magbahagi rin ng pagkain ng isip, puso at kaluluwa. Kaya tulad ng parokya ng Krus na Ligas na katatapos lang magdiwang ng kanilang pista, amin ding binuo ang siyam na tema para sa nobenaryo ni San Isidro. Kaya sa bawat araw mula ika-6 ng Mayo hanggang ika-14 ng Mayo, sisikapin naming pagnilayan at pagdasalan ang mga sumusunod na tema:

Unang araw, sambayanang humaharap sa katotohanan na may pagmamahl at mapanagutang katiwala.

Ikalawang araw, pamayanang nagmamalasakitan sa isa’t isa sa kabila ng lockdown.

Ikatlong araw, ang pamayanang may malalim na pananampaltaya. Pinapawi ang takot at masasamang hinala dulot ng COVID-19.

Ikaapat na araw, pag-aalay ng sarili para sa iba ay isang gawain na tunay ngang kahanga-hanga.

Ikalimang araw, sa likod ng kamatayan ay ang bagong buhay na makakamtan natin—doon sa langit ay naghihintay sa atin.

Ikaanim na araw, ang muling pagkabuhay ni Kristo, dala-dala ang liwanag at pag-asa sa gitna ng kamatayan na dulot ng pandemya.

Ikapitong araw, iba’t ibang relihiyon at paniniwala, pinag-isa ng pandemya tungo sa adhikaing maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan at maka-kalikasan.

Ikawalong araw, pangangalaga sa mga dukha at biktima ng pandemya ay ang pagsasabuhay ng habag at awa ni HesuKristo.

Ikasiyam na araw, pandemya—isang paanyaya sa pagkilos, pakikiisa, pagkakaunawaan, pagtanggap na may pagmamahal sa kabila ng pagkakaiba.

Sa mahigit nang dalawang buwan mula nagsimula ang lockdown, sa kabila ng pagpapamalas ng magagandang-asal ng marami, naroroon pa rin ang mga hindi nakakatulong na pag-uugali ng iilan. Naririyan ang takot, intriga, diskriminasyon at kababawan. Hirap pa ring maghanap ng paraan at pagkakataong tumulong at makiisa ang marami sa pagkakawanggawa.

Higit na mabigat ang hamon ng komunikasyon dahil wala nang “face to face” o harapang pag-uusap at ito ang hamon ng pista sa panahon ng pandemya—ang salagin at labanan ang kakaibang virus ng paghihiwa-hiwalay at kawalan ng maganda at malusog na ugnayan sa isa’t isa.

Hindi lang tiyan ang kailangang pakainin sa panahon ng pandemya. Uhaw at gutom ang isip, puso, diwa at kaluluwa at malinaw kung bakit at paano ibinubunga ng ganitong gutom ang takot, intriga, diskriminasyon at kababawan.

Kaya’t tara nang magpasalamat, magdiwang at magbigay pag-asa! Tara na’t ipagdiwang ang Pista ni San Isidro Labrador!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page