Bebot na may nabiyak na Heart Line, aanakan at iiwanan lang ng karelasyon
- Maestro Honorio Ong
- May 17, 2020
- 3 min read

Katanungan
Maiiwasan ba ang nakatakdang kapalaran? Naitanong ko ito dahil sa kakabasa ko sa inyong mga artikulo. Napansin kong biyak ang Heart Line sa aking palad at iniisip kong ito ay may masamang ibig sabihin.
Tama ba ako, pangit ba ang interpretasyon kapag nabiyak o naputol ang Heart Line ng isang tao sa guhit ng kanyang palad at kung negatibo ang kahulugan nito, maiiwasan ko ba ang pangit na kahulugang ito?
Kasagutan
Tandaang may dalawang pangunahing dahilan kung bakit kailangan malaman ng indibidwal ang kanyang takdang kapalaran. Una, upang kung pangit ang kapalarang ito ay magawa o masubukan niyang iwasan at kung maganda naman ito ay lalo niya pang mapagbuti at mapaghusayan. Ibig sabihin, lalo mo pang mapagbuti o ma-maximize ang magandang kapalarang ito na paparating sa iyong buhay.
Pangalawa, dapat alam ng tao kung ano ang sasapitin niyang kapalaran upang kung hindi man niya ito maiiwasan at kung ito ay masamang kapalaran ay kanyang mapaghandaan. Kumbaga, walang iniwan sa pagdating ng malakas na bagyo, lindol o pagsabog ng bulkan at pagdating ng Covid-19 at iba pang biglaang delubyo. Halimbawang isa o dalawang taon pa lang ay alam mo nang darating ang Covid-19, ngayon palang ay makapaghanda ka na ng iba’t ibang uri ng preparasyon upang hindi mo man maiwasan ang virus, dahil maaga pa lang ay nagtayo ka na ng testing facilities at nag-stock ng mga pagkain, gamot at vitamins, sa ganitong paraan, tiyak na mababawasan ang pinsala sa ating bansa ng nasabing virus.
Pero nakita mo naman, ang nangyayari ngayon sa pagdating ng Covid-19. Dahil hindi gaanong napaghandaan, nagkakagulo ang bansa dahil sa mabilis na pagbagsak ng ekonomiya sanhi ng lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ganundin sa kapalaran ng tao. Hindi mo ito mapipigilan at kung nagkataong hindi mo alam kung kailan ang eksaktong petsa, pero alam mo namang darating ang negatibo o masamang kapalaran, dapat ngayon pa lang ay pinaghahandaan mo na ito.
Tulad ng kapalaran mo, Maybelyn, ang ibig sabihin ng nabiyak na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) tulad ng nakikita sa kaliwa at kanan mong palad ay may tatlong bagay. Anu-ano ang ibig sabihin ng mga ito?
Una, maaaring magkaroon ka ng live-in partner o karelasyon na hindi mo naman makatutuluyan. Pagkatapos mong makipag-live in ay hindi siya ang iyong mapapangasawa at panghabambuhay mong makakasama.
Pangalawa, maaaring magkaroon ka ng anak, pero ang ama ng bata ay hindi mo naman makakasama, kumbaga, aanakan ka lang at bigla kang iiwanan.
Pangatlo, maaari ring ang ibig sabihin ng nabiyak na Heart Line (h-h arrow a.) ay ang napipintong paghihiwalay ninyong mag-asawa o boyfriend mo kung may boyfriend ka man ngayon. Samakatuwid, tama ang iniisip mo, sa sandaling biyak ang kaliwa at kanang palad (h-h arrow. a.), lalo na’t kinumpirma rin ito ng pangit na lagda, ng zodiac sign na Leo, Aquarius o Pisces at pangit ding Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ang negatibong pahiwatig ng biyak na Heart Line (arrow a.) ay siguradong magaganap sa panahong inilaan ng kapalaran.
Mga Dapat Gawin
Kung may asawa o may boyfriend ka na, wala kang dapat gawin kundi mahalin at pasayahin mong mabuti ang iyong karanasan. Wala kang dapat gawin kundi magpakasawa at magpakaligaya sa piling niya upang kapag nangyari na ang nasabing pagtaya ng nabiyak na Heart Line (arrow a.), kapag nagkahiwalay kayo, walang gaanong panghihinayang na mdarama dahil noong magkasama pa kayo ay ginawa mo na ang pinakamainam at pinakamasarap na sandali ninyong dalawa, kaya kapag siya ay biglang nawala, tanggap at pinaghandaan mo na talaga bago pa naganap ang nasabing negatibong senaryo.
Sa pagkakataong ito, pepetsahan natin ngayon kung kailan mangyayari ang itinakdang kapalaran kung saan ayon sa iyong mga datos, ang nasabing nabiyak na Heart Line (h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nakatakdang maganap sa 2021 sa edad mong 35 pataas. Kaya bago pa dumating ang panahong tinuran, ngayon pa lang ay dapat maghanda-handa at magpakatatag ka, kasabay ng preparasyon o mga pagpaplano sa iyong sarili na halimbawang biglang nawala o bigla kang iniwan ng kasalukuyan mong boyfriend, asawa o kinaksama, ano ang mga bagay na gagawin mo upang mapanatili tagumpay at masaya ang iyong buhay?







Comments