top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pag-alala sa ikalawang taong anibersaryo ng pagpanaw ng aking Ama, si ex-Senador Ed Angara

  • Sonny Angara
  • May 16, 2020
  • 2 min read

Agarang Solusyon ni Sonny Angara

Nitong nakalipas na Mayo 13 ay eksaktong dalawang taon nang namamayapa ang aking ama, si dating Senate President Edgardo Angara—ang aking inspirasyon sa paglilingkod-bayan, ipinagmamalaki at pinamakamamahal.

Kung nalalaman lamang niya ang mga pangyayari ngayon sa mundo ngayon at kung narito pa siya sa mga panahong ito, tiyak na isa na siya sa mga nagkukumahog sa paghahanap ng paraan kung paano sasalubungin ng Pilipinas ang salot na dulot ng COVID-19 at kung paano ito mapagtatagumpayan. At panigurado, kahit naka-quarantine siya dahil sa kanyang edad, palagi pa rin siyang aligaga. Ganyan si Senador Ed Angara—walang inuurungang problema.

Kung puwede lamang na sa mga ganitong pagkakataon, bumalik siya saglit para tayo ay mapayuhan, magabayan at ibahagi sa atin ang kanyang napakalawak na talino para mabigyan tayo ng dagdag na lakas sa labang kinakaharap natin sa ngayon.

Ilang trahedya na nga ba ang pinagdaanan ng isang Ed Angara at ng kanyang mga kababayan sa Baler noong siya ay nasa lalawigan pa lamang at namumuhay bilang isang simpleng indibidwal? Lahat nang ‘yun ay dumaan, nanalasa pero napagtagumpayan ng lalawigan—ganyan din ang dugong Angara—lumalaban at nagtatagumpay sa laban.

Parang naririnig natin kung ano ang mga sasabihin niya sa kanyang mga anak at apo sa gitna ng pandemyang ito—‘virus lang ‘yan, Angara tayo—taga-Baler—matatag!

Minsan lang tayo maging emosyonal—ito ay sa mga bagay na may kinalaman sa ating pamilya at sa kaawa-awang sinasapit ng ating mamamayan.

Kaya nitong Martes, nang mapanood natin sa Netflix ang sentimental episode ng serye tungkol sa buhay ng basketball legend na si Michael Jordan—naramdaman natin ang hapdi sa bahagi ng kuwento kung saan namatay ang kanyang ama dahil sa karahasan.

Noong pumanaw ang ama ni Jordan, parang nawalan na rin siya ng gana sa kanyang basketball profession at kapagkuwan ay tuluyang nagretiro. Pero tuwing nagbabalik-tanaw siya sa mga panahong magkasama sila ng kanyang ama, parang ito ang nagtulak sa kanya upang balikan ang iniwang propesyon. At hindi siya nabigo dahil muli ay umani pa siya nang maraming kampeonato na inialay niya sa kanyang pumanaw na ama.

Ganito rin ang nararamdaman natin sa kasalukuyan. Minsan, dahil sa mga patung-patong na suliranin bilang lehislador, dumarating din sa atin ang paghina ng kalooban. Pero sa mga ganitong pagkakataon din natin naalala ang mga katangian ng ating namayapang ama—hindi sumusuko sa kanyang trabaho, walang kapaguran at punumpuno ng talino. Ang kanyang mga alaala bilang senador ang nagpapalakas sa ating damdamin at nagpapaalala sa ating sinumpaang tungkulin bilang lehislador.

Siya ang nagsisilbi nating sandigan mula noon hanggang ngayon—ang ating armas upang magtagumpay sa anumang pagsubok—ang kanyang ipinamana sa ating ideolohiya at prinsipyo na araw-araw nating taglay upang isulong, hindi ang ating sariling kapakanan, kundi ng buong bayan at ng mamamayan.

Pangako natin sa kanya: Huwag siyang mag-alala sapagkat ang ating bayan at ang mga kabataan ay may haharapin pang magandang kinabukasan.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page