top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

May pagkakataon pa ba tayong bumalik sa mga nakasanayan nating gawain?

  • Fr. Robert P. Reyes
  • May 16, 2020
  • 2 min read

Pagkatapos ng lockdown, ano ang mga una mong gagawin? Saan ka unang pupunta at sino ang una mong dadalawin? Bago natin sagutin ang mga tanong na ito, mahalagang tingnan natin ang unti-unting pagbalik ng buhay at sigla sa ilang mga bahagi ng buhay-panglipunan.

Kapansin-pansin ang pagdami ng mga sasakyan sa daan. Dumarami na ang mga tao sa mga lansangan bagama’t nag-iingat pa rin ang lahat sa paggamit ng mga facemasks. Ito ang mga senyales ng pagpupumilit ng marami na bumalik ang lahat sa “normal” o sa ika nga ay “dating-gawi.”

Posible pa bang bumalik sa dati ang lahat? Posible pa bang bumalik ang mundo sa kanyang dating kalagayan na parang walang nangyaring pandemya?

Maaaring mag-ilusyon ang sinuman, malaki man o maliit. Ngunit sa tingin ng marami, hindi na maaaring “bumalik sa dati” ang buhay dahil merong nagbago na hinding-hindi na mababago pa. Ngunit, may problema pa kung handa na ang marami sa mga pagbabago. Ito ang mahalagang mensahe noon pang panahon ni HesuKristo. Noong tanungin Siya ng mga alagad ni Juan kung bakit hindi siya nag-aayuno, ang sagot nito ay talinghaga: “Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa isang lumang kasuotan sapagkat mababatak nito ang tinagian at lalong lalaki ang punit. Wala ring nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag gayun ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak at mawawasak ang sisidlan. Sa halip ay isinisilid ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat at sa gayun ay kapwa nagtatagal.” (Mateo 9:14-17)

Sa kabila ng ipinatutupad na lockdown ay naririyan pa rin ang mga pasaway, hindi lang sa karaniwang mamamayan kundi sa mga matataas at makapangyarihan. Naririyan pa rin ang mga mapagsamantala o paggamit ng mga sitwasyon ng malubhang panganib upang paigtingin pa ang takot ng marami sa halip na turuan at tulungan ang mga itong maging mahinahon at makapag-isip nang tama at maayos.

Nabawasan ang pang-iinsulto bagkus ay lumalim ang pagkilala sa Diyos sa panahon ng panganib at palaging nagbabadyang kamatayan. Hindi man makasimba ang lahat, kapansin-pansin ang taimtim na panalangin ng marami sa mga misa at panalangin online.

Biglang luminis ang hangin, lumiwanag ang kalangitan, magsimulang magtanim ang marami at nabawasan ang pananamantala sa kalikasan. Naging napakahalaga nito sa gitna ng lockdown at sana’y pagkatapos ng lahat ng ito ay higit pang pahalagahan at protektahan ang kalikasan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page