top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

National Academy of Sports, pasado na sa Kongreso

  • Kuya Win Gatchalian
  • May 14, 2020
  • 2 min read

Masaya tayong ibalita na naratipikahan na ang bicameral conference committee report ng ating panukala sa Senado na magtaguyod ng National Academy of Sports.

Malaking tulong ang programang ito sa pagkilala at paghulma ng ating mga mahuhusay at maabilidad na mga mag-aaral, lalo na ang mga batang nagpapakita ng potensiyal sa larangan ng sports.

Sa pamamagitan ng National Academy of Sports, maiimplementa ang de-kalidad at mas pinalakas na educational sports program sa high school kung saan magkakaroon na ng espesyal na kurikulum para sa sports. Nakasentro ang kurikulum sa mga pangangailangan ng mga estudyante para sa kanilang mga ensayo. Siyempre, kasabay pa rin dapat nito ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon maging sa kanilang akademiks.

Kapag napirmahan na ito ng Pangulo at ganap nang maisabatas, isusulong nito ang iba’t ibang mga sports programs, intramurals, league competitions at amateur sports, maging ang mga pagsasanay para sa mga kompetisyon sa ibang bansa. Sa pagkakataong ito ay matututukan ang kanilang disiplina sa sarili, teamwork at maging ang pagiging makabayan.

Bukod dito, bibigyan ng kahalagahan at prayoridad ng National Academy of Sports ang mga hakbang kung paano makakamit ng mga estudyanteng atleta ang magandang academic performance habang inihahanda ang kanilang mga sarili para sa pangarap na propesyon kapag sila ay nagsipagtapos na.

Pangangasiwaan ng Department of Education (DepEd) sa tulong ng Philippine Sports Commission (PSC) ang National Academy of Sports.

Sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac planong ipatayo ang main campus ng National Academy of Sports kung saan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang mamamahala sa pagtatayo nito.

Lubos na nagpapasalamat ang inyong lingkod sa ating mga kapwa mambabatas—sina Sen. Sonny Angara, Sen. Christopher “Bong” Go at Sen. Pia Cayetano—na kasama nating nagtrabaho at nagpursige para maipasa sa Kongreso ang National Academy of Sports. Sa wakas, matutulungan na natin ang ating mga world-class Filipino student-athletes na magtagumpay at maabot ang kanilang mga pangarap.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page