Disiplina ng mamamayan ang kailangan para maiwasan ang second o third wave ng COVID-19
- Korina Sanchez
- May 13, 2020
- 2 min read
Bilang tagapagsalita ng Pangulo, si Presidential Spokesperson Harry Roque III ang inantasang magpahayag sa publiko ng mga impormasyon hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Kahapon sa isang pahayag, nagpakita ng mapa ng Pilipinas kung saan may kulay ang mga rehiyon—may berde, dilaw at pula—alam na ninyo ang kahulugan niyan.
Ang National Capital Region (NCR), Laguna at Cebu City ay pula na nangangahulugang high-risk ito sa banta ng COVID-19 kaya ito ay hindi muna ito isinailalim sa general community quarantine tulad ng mga naunang lugar sa bansa. Pero agad sinabing ito ay nasa ilalim na ng “modified” enhanced community quarantine (MECQ) mula Mayo 15 hanggang 31.
Batay sa payo ng World Health Organization (WHO) ang naging rekomendasyon ng IATF-EID na dapat ay “gradually” o dahan-dahan ang pagpapaluwag ng quarantine nang sa gayun ay hindi tumaas ang banta ng pagkalat ng deadly virus.
Sa ilalim ng MECQ, papayagan nang lumabas sa bahay ang mga tao upang makapamalili pero pangunahing pangangailangan lamang at maaari na rin makapagtrabaho ang mga manggagawa sa mga establisimyento na papayagang magbukas.
Papayagan na rin magbalik-operasyon ang ilang manufacturing at processing plants pero hanggang 50% muna at sa ngayon ay pag-uusapan pa kung anu-ano ang mga kabilang sa mga ito. Samantala, may mga makakabiyahe na pero limitado pa rin ang transportasyon.
Ayon kay DFA Sec. Locsin, dapat ipatupad na ang GCQ na para malaman kung natuto na mag-ingat ang mamamayan. Giit nito, kapag dumami ang kaso ng COVID-19, ang mga tao mismo ang dapat sisihin.
Para sa akin, mataas pa rin ang banta ng COVID-19 sa lahat. Kung papayagan na ang paglabas ng bahay, paniguradong marami ang magkakandarapang lumabas ng kani-kanilang bahay. Ang bagay na malabong mabantayan ng mga awtoridad.
Malabo na talagang bumalik sa normal ang buhay ng mga tao. Ako mismo ay kinakabahan pa rin lumabas ng bahay sapagkat nakakatakot makapitan ng virus, nakakatakot na maging “carrier” at malagay sa alanganin ang iyong pamilya dahil sa ‘yo.
Sa huli, pag-iingat ang dapat iprayoridad ng mga tao. Sundin nating lahat ang mga health protocols at iba pang guideline kaugnay nito nang sa gayun ay maiwasan natin ang mas malalang banta na second o third wave ng COVID-19.





Comments