7'1 Kai Sotto inagaw na ng NBA G-League
- A. Servinio
- May 12, 2020
- 2 min read

Atlanta, Ga — Pagsapit ng kanyang ika-18 na kaarawan noong Lunes, pinili ni Kai Zachary Sotto na hindi na magpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo at sa halip siya ay pipirma bilang propesyonal sa NBA G-League. Magiging bahagi ang 7’1” na binata sa bagong koponan na itatayo sa California sa ilalim ng G-League Select Program.
Sa mga nakaraang buwan, nakatanggap ng alok at niligawan si Sotto ng ilang mga malalaking paaralan sa Estados Unidos gaya ng Kentucky, Auburn, DePaul, Georgia Tech at Southern California subalit hindi pwedeng palampasin ang pagkakataon. Tatanggap siya ng sweldo na $125,000 (P6,296,000) sa limang buwan na kontrata at mabibigyan ng gabay upang maabot ang kanyang pangarap na maging unang purong Pinoy sa NBA sa susunod na taon o sa hinaharap.
Magiging kakampi ni Sotto si Jalen Green, ang 6’5” Filipino-American forward na nakaharap niya sa mga torneo ng National Basketball Training Center sa SM Mall of Asia at sa FIBA Under-17 at Under-19 World Cup. Sinasabi na si Green ang pinakamagaling na manlalaro ng high school sa Amerika at maaring maging numero unong pipiliin kung lalahok siya sa 2021 NBA Rookie Draft.
Sasabak sa aksyon sina Sotto at Green sa bagong season sa Nobyembre, 2020. Hindi natapos ang 2019-2020 season matapos ipatigil ang mga laro simula Marso 11 dahil sa COVID-19.
Ang NBA G-League Select Program ay magsisimula ngayong taon lamang subalit hindi lahat ng gustong sumali ay makukuha. Binawal ng NBA ang mga bagong high school graduate na dumiretso sa liga tulad ng ginawa nina Lebron James, Kevin Garnett at Kobe Bryant kaya ang mga maari lang gawin noon ay mag-aral ng isang taon sa kolehiyo o maglaro bilang import sa ibayong dagat.
Nagsimula si Sotto sa Saint Francis of Assisi College sa Las Pinas at lumipat sa Ateneo de Manila University kung saan nag-aral siya hanggang Grade 10. Kasalukuyang tinatapos niya ang Grade 12 sa The Skill Factory sa Atlanta, Georgia.




Comments