Sa pista ni San Isidro Labrador: Magpasalamat, magdiwang at magbigay pag-asa
- Fr. Robert P. Reyes
- May 11, 2020
- 3 min read
Nagsimula na ang nobenaryo ng misa sa aming munting parokya ng San Isidro Labrador at ngayong dumating na ang panahon upang ipagdiwang namin ang pista ng aming parokya, nandoon na naman ang tanong: Paano namin ipagdiriwang ang Pista ni San Isidro sa malikhaing paraan na walang paglabag ng anumang batas?
Kung ipagdiriwang ang pista ng parokya sa panahon ng pandemya, kailangan gawin ang sumusunod: Pagpapasalamat, pagdiriwang, pagpapaigting ng pag-asa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtulong sa kapwa.
Una, pagpapasalamat. Maraming dapat ipagpasalamat pero ang dapat unahin ay magpasalamat sa buhay. Tayo ay pinaliligiran ng kamatayan, taong namatay at ang banta na tayo rin ay magkasakit at tuluyang sumama sa napakarami nang naunang bumalik sa kaharian ng Ama. Subalit, ang pasasalamat na ito sa panahon ng pandemya ay kailangang makita sa kongkretong pagbibigay at pagpapaganda ng buhay ng iba. Ito ang sinimulan namin sa aming parokya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pagkain sa Kusina ni Doc Sally.
Pangalawa, walang pista na malungkot. Ang pagdiriwang ay pagbibigay-kasiyahan sa lahat. Kaya ba natin magdiwang at magsaya ngayong panahon ng pandemya? Bago magsimula ang pagpapakain sa Kusina Ni Doc Sally, ang lahat ay umaawit at nananalangin. Bago magsimula ang pagbabahagi ng pagkain, inaanyayahan ang lahat na batiin ang mga katabi ng masayang “Maligayang Pista!” at “Ngitian ninyo ang inyong katabi habang binabati ito ng “Maligayang Pista.” Dapat nakikita ang tunay na galak sa inyong mga mata dahil natatabingan ang inyong mga ilong at bibig.
Pangatlo, paano paiigtingin ang pag-asa sa panahon ng pandemya? Maliban sa pagbabahagi ng pagkain (ng katawan), maaaring magbahagi rin ng pagkain ng isip, puso at kaluluwa. Kaya tulad ng parokya ng Krus na Ligas na katatapos lang magdiwang ng kanilang pista, amin ding binuo ang siyam na tema para sa nobenaryo ni San Isidro. Kaya sa bawat araw mula ika-6 ng Mayo hanggang ika-14 ng Mayo, sisikapin naming pagnilayan at pagdasalan ang mga sumusunod na tema:
Unang araw, sambayanang humaharap sa katotohanan na may pagmamahl at mapanagutang katiwala.
Ikalawang araw, pamayanang nagmamalasakitan sa isa’t isa sa kabila ng lockdown.
Ikatlong araw, ang pamayanang may malalim na pananampaltaya. Pinapawi ang takot at masasamang hinala dulot ng COVID-19.
Ikaapat na araw, pag-aalay ng sarili para sa iba ay isang gawain na tunay ngang kahanga-hanga.
Ikalimang araw, sa likod ng kamatayan ay ang bagong buhay na makakamtan natin—doon sa langit ay naghihintay sa atin.
Ikaanim na araw, ang muling pagkabuhay ni Kristo, dala-dala ang liwanag at pag-asa sa gitna ng kamatayan na dulot ng pandemya.
Ikapitong araw, iba’t ibang relihiyon at paniniwala, pinag-isa ng pandemya tungo sa adhikaing maka-Diyos, maka-tao, maka-bayan at maka-kalikasan.
Ikawalong araw, pangangalaga sa mga dukha at biktima ng pandemya ay ang pagsasabuhay ng habag at awa ni HesuKristo.
Ikasiyam na araw, pandemya—isang paanyaya sa pagkilos, pakikiisa, pagkakaunawaan, pagtanggap na may pagmamahal sa kabila ng pagkakaiba.
Sa mahigit nang dalawang buwan mula nagsimula ang lockdown, sa kabila ng pagpapamalas ng magagandang-asal ng marami, naroroon pa rin ang mga hindi nakakatulong na pag-uugali ng iilan. Naririyan ang takot, intriga, diskriminasyon at kababawan. Hirap pa ring maghanap ng paraan at pagkakataong tumulong at makiisa ang marami sa pagkakawanggawa.
Higit na mabigat ang hamon ng komunikasyon dahil wala nang “face to face” o harapang pag-uusap at ito ang hamon ng pista sa panahon ng pandemya—ang salagin at labanan ang kakaibang virus ng paghihiwa-hiwalay at kawalan ng maganda at malusog na ugnayan sa isa’t isa.
Hindi lang tiyan ang kailangang pakainin sa panahon ng pandemya. Uhaw at gutom ang isip, puso, diwa at kaluluwa at malinaw kung bakit at paano ibinubunga ng ganitong gutom ang takot, intriga, diskriminasyon at kababawan.
Kaya’t tara nang magpasalamat, magdiwang at magbigay pag-asa! Tara na’t ipagdiwang ang Pista ni San Isidro Labrador!




Comments