Huwag magpadikta o matakot sa anumang banta, gawin ang tama para sa ikabubuti ng libu-libong manggag
- Sonny Angara
- May 9, 2020
- 2 min read

Wala na sa ere ang isa sa pinakamalaking institusyon ng impormasyon sa bansa – ang ABS-CBN.
Sa hindi kapani-paniwalang desisyon, kuwestiyonable at hindi makatarungang paraan, pinatahimik ang isa sa mga kritikal at informative channels sa Pilipinas.
Napakalaki ng problema natin sa kasalukuyan – hanggang ngayon, maraming buhay pa ang namemeligro dahil sa COVID-19 kung saan isa ang inyong lingkod sa mga biktima at patuloy na lumalaban. Pero ang umalingawngaw na aksiyon, ipasara ang Kapamilya Network. Sa gitna ng pandemya, ito ang mas binigyan ng aksiyon – ang pagpapasara sa ABS-CBN.
Animnapu’t limang taong nakasama ng ating mga kapamilya, isa sa pinakanatatanging libangan, itinurong nang kasama sa araw-araw, parang higit pa sa kaibigan at tinatawag ngang kapamilya, ang binaklas nila sa buhay natin.
Mahigit isang buwan tayong nasa kuwarantina, ano ang nagpapasaya sa mga kasama natin, lalo na ang mga lolo, lola, mga may kapansanan na hindi nakalalabas ng bahay? Ito ang telebisyon – ang entertainment at panonood ng mga balita.
Oo nga at may mga alternatibong himpilan, pero aminin man natin at sa hindi, mas malaki ang sakop na viewers ng Kapamilya network at isa siya sa mga nagbibigay sa atin ng mga mapagkakatiwalaang impormasyon at balita. Saan tayo aasa? Sa social media na punumpuno ng mga balitang kabalbalan at peke?
Isa tayo sa mga senador na nananawagansa ating mga kasamahang kongresista na umaksiyon na sa lalong madaling panahon upang maibigay ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Isaalang-alang naman natin ang libu-libong pamilya na mawawalan ng ikabubuhay dahil sa pangyayaring ito.
Milyun-milyong Pilipino ang halos maburyong na dahil sa mahigit isang buwang pagkakahimpil sa bahay, inalisan pa ng libangan.
Palagi ninyong sinasabi, may mga pagkakamali ang himpilang ito kaya hindi nabigyan ng prankisa. Kung mayroon man, ipataw ang tamang parusa pero sa hindi sa ganitong paraan.
Muli, mananawagan tayo sa mga kasamahan nating kongresista, kumilos tayo. Pakinggan natin ang ating konsensiya at huwag magpadikta o matakot sa anumang banta. Gawin natin ang tama.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments