Coco, ibinulgar na halos lahat ng artista ng ABS-CBN ay nasa labas kahit may lockdown
- Vinia Vivar
- May 9, 2020
- 2 min read

Kung nitong mga nakaraang araw ay sa kanyang post sa social media idinadaan ni Coco Martin ang galit sa gobyerno dahil sa pagpapatigil sa pagsasahimpapawid ng ABS-CBN, last Friday night ay live na mismo siyang napanood ng lahat ng tumutok sa Facebook live event ng Kapamilya Network titled Laban Kapamilya.
Harapang binatikos ni Coco ang gobyerno at hindi niya napigilang maging emosyonal sa ginawa sa tahanang mahal na mahal niya. Aniya ay hindi na raw ito ang panahon para manahimik pa.
“Hindi labanan 'to ng diplomasya. Binarubal na tayo. Tinarantado na tayo. Kinuha na iyong bahay natin. Ano'ng ie-expect natin? Ipagdarasal natin sila? Ipinagdasal na natin sila. Tiniis na natin sila. Dapat kumilos na tayo. Magsalita tayo,” pahayag ni Coco.
Aniya pa, “Kasi kung lahat tayo mananahimik, aabusuhin tayo niyan. Kasi ito iyong pagkakataon natin. Wala na tayong trabaho. Ano ang iingatan natin?”
Kinuwestiyon din ng aktor ang gobyerno sa pagpapabukas ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) na isang online gambling pero ang ABS-CBN na napakaraming napapasaya at natutulungan ay ipinapasara.
“Ano ang uunahin natin ngayon? Tanggalin ang kumpanya na tumutulong sa ating kapwa, sa lahat ng mga Pilipino, o 'yung sugal na pinapasok sa ating bansa? Buti pa 'yung POGO, ipinaglalaban ninyo. Itong kumpanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, ipinasara n'yo," aniya.
Binanatan din ni Coco si Presidential Spokesperson Harry Roque sa naging pahayag nito na puwede naman daw humingi ang mga empleyado ng ABS-CBN ng ayuda sa DOLE (Department of Labor and Employment).
“Ang buong Pilipinas nga, hindi n’yo masuplayan, pati pa kami, makikidagdag?” aniya.
He also emphasized na ang network at ABS-CBN stars ay napakalaki ng naitutulong sa gobyerno dahil sa malalaking tax na ibinabayad nila.
Bukod dito ay tumutulong din daw sila ngayong panahon ng COVID-19 at halos lahat sila ay nasa labas para mag-distribute ng kani-kanilang tulong sa mamamayan. Kaya naman talagang hindi niya maintindihan kung bakit sila ang naisip na tanggalin o tanggalan ng trabaho.
"Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna n'yo pang isipin ang pagpapasara sa ABS-CBN kaysa tugunan ang lahat ng pangangailangan ng ating bansa?” he said.
♥♥♥
After mag-negative sa 2 tests…
Howie, magdo-donate ng dugo para sa mga COVID-19 patients
Masayang ibinalita ng veteran broadcast journalist na si Howie Severino na dalawang beses na siyang nag-negative sa COVID-19.
“I'm happy to say that I have finally tested negative twice in a row for the coronavirus. I am now medically considered fully recovered from COVID-19,” pahayag ni Howie sa isang artikulong lumabas sa GMA Network website.
Bahagi raw ng protocol ng DOH na dapat mag-test ng negative nang dalawang beses ang mga nagpositibo sa COVID-19 upang ma-declare na magaling na.
Bukod sa pagiging COVID-19 negative, ibinahagi ni Howie na base sa dalawang ginawang antibodies test sa kanya, lumalabas na maaari siyang mag-donate ng plasma para sa mga COVID-19 patients.
Aniya, “My two antibodies tests showed that I have these anti-viral warriors in my blood, making me eligible to donate plasma to gravely ill patients to improve their chances of survival.”
Matatandaang isa si Howie sa mga personalidad na tinamaan ng COVID-19. Ang kanyang pakikibaka sa virus, kasama na ang sakripisyo ng mga frontliners ay ipinakita pa niya sa kanyang I-Witness documentary.




Comments