Dahil sa social distancing sa PUVs... Mga empleyado, mahihirapang pumasok sa trabaho
- Sr. Socrates Magnus II
- May 8, 2020
- 2 min read
Bigyang-daan natin ang ilang kaalaman tungkol sa darating na new normal pagkatapos ng COVID-19.
Pagkatapos ng pandemya, mahihirapan pa rin ang mamamayan at gobyerno.
Kung paiiralin ang social distancing sa pampublikong sasakyan, ang galaw ng buhay sa Pilipinas ay magiging mabagal. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na noong wala pa ang COVID-19, napakahirap nang bumiyahe at marami ang nale-late sa trabaho o paaralan.
Kapag kalahati na lang ang puwedeng sumakay sa pampublikong sasakyan dahil sa social distancing, malabong masunod ang social distancing dahil aapaw ang mga komyuter sa loob at labas ng terminal. Ito ay nangangahulugan na mas marami ang hindi makakapasok sa trabaho dahil hindi na sila makakasakay sa tamang oras.
Dahil dito, dapat ay mapabilang sa new normal na maging 24/7 ang pasok sa Kamaynilaan at iba pang siyudad nang sa gayun ay makapasok pa rin ang mga hindi agad nakasakay sa pampublikong sasakyan.
Kapag nagpumilit ang gobyerno na ipatupad ang nakasanayang oras ng trabaho, babagal ang ekomomiya dahil masasabing kalahati ng work force ang makapagtatrabaho dahil hindi lahat ay madaling makakabiyahe.
Bukod sa pagpapalit ng oras ng trabaho, dapat ding matanggap ng mamamayan at gobyerno na mababawasan ang mga jeep sa kalsada. Ito ay dahil hindi na papasada ang mga nagba-boundary. Dahil hindi na nila kikitain ang kanilang boundary at kahit anong gawin nila, dahil nga kalahati lang ang puwedeng isakay, halos wala rin silang kikitain.
Sa larangan ng pagnenegosyo, kahit alisin ang lockdown, hindi pa rin makapagbubukas ang maliliit na negosyo dahil sila ay nalugi na, as in, wala silang kinita dahil sa pagsasara sa panahon ng lockdown. Dagdag pa rito, kung ipipilit ng gobyerno na magkaroon ng sariling sasakyan ang mga kumpanya na maghahatid sa mga empleyado, lalong hindi kakayanin ng maliit na negosyo ang ganitong new normal.
Ang talagang tuluyang magpapasara sa mga maliit na negosyo ay ang sinasabing bago makapasok ang isang gustong magtrabaho, kailangan muna nitong dumaan sa COVID-19 testing, na ayon sa mga nanunungkulan, ito rin ay new normal. Dahil dito, ang puwede lang makapagbukas ay ang malalaking kumpanya na may kakayahang magpatupad ng mga kagustuhan ng pamahalaan.
Ang nakakabahala ay ang katotohanan na hindi naman gaanong mahalaga kung bukas na ang negosyo dahil ang tunay na mahalaga sa namumuhunan ay ang kanilang mga suki o kliyente. Ibig sabahin, kahit bukas na ang negosyo, wala ring saysay dahil wala namang mga mamimili dahil una, walang pera ang mga tao at dahil wala namang maayos na sasakyang pampubliko, pipiliin na lang ng marami ang manatili sa bahay.
Itutuloy




Comments