Pagiging masigasig at matibay, taglay na ng Year of the Dragon kahit ‘di pa isinisilang
- Maestro Honorio Ong
- May 7, 2020
- 2 min read

Sa pagpapatuloy ng pagtalakay ng magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Dragon ngayong Year of the Metal Rat.
Kung ikaw ay isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2020 at 2012, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Dragon.
Ang Dragon ay siya ring zodiac sign na Aries sa Western Astrology na may ruling planet na Mars. Ang kanyang mapalad na oras ay mula alas-7:00 ng umaga hanggang sa alas-9:00 ng umaga, sa direksiyong Silangan at Timog-Silangan.
Pinaniniwalaang bukod sa taglay na kakaibang suwerte, ang Dragon ang isa sa pinakamakapangyarihan sa lahat ng 12 animal signs sa Chinese Astrology, lalo na kung ang isang Dragon ay isinilang sa panahon ng tag-init o tag-araw, kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.
Bukod sa suwerte at kakaibang kapangyarihang tinataglay, ang Dragon ay nakatadhana na ang buhay bago pa siya isinilang.
Sa Chinese Mythology, pinaninilawaang ang napakainit na parte sa gitnang bahagi ng mundo, na nagbibigay-lakas sa bawat may buhay ay nagmumula sa enerhiyang taglay ng Dragon na natutulog sa ilalim ng mundo sa pinakagitnang bahagi ng daigdig.
Kilala ang Dragon sa pagiging masigasig, energetic, matibay at mapagpumilit, kaya naman ang tagumpay, pamumuno at lahat ng magagandang kapalaran ay pinagkaloob na sa kanya ng langit bago pa siya isinilang.
Kaya naman naniniwala ang mga Chinese na ang isang Dragon ay isinilang para maging emperor, gayundin, sila ay nagtataglay ng simbolo ng dakila at makapangyarihang emperor.
Maraming mag-asawang Chinese ang nagpipilit na makabuo ng sanggol sa panahon ng animal sign na Rabbit upang matiyak na ang beybi ay isisilang sa eksatong Year of the Dragon.
Dahil “anak ng kapalaran”, bihirang-bira kang makatatagpo ng Dragon na bigo sa buhay, at kung may ganito mang Dragon, na bigo sa buhay, kapag nirebisa mo ang kanyang karanasan, makikita mong mas marami siyang malalaking tagumpay kaysa sa mga kabiguan sa buhay.
Samantala, dahil taglay ng Dragon ang malalaking tagumpay, bukod sa pinakasuwerte, tulad ng nasabi na, siya rin ang kadalasang namumuno, namamahala sa malaking bayan o bansa, nagiging hari at sa pinakarurok ng tagumpay, sa kanya rin ipinagkakaloob ng langit ang pagiging dakilang emperor.
Bukod sa pagiging dakilang leader at talaga namang naabot niya ang matataas na posisyon at karangalan sa buhay, likas siyang nagiging maawain at matulungin sa mga nangangailangan, lalo na sa kanyng mga nasasakupan. Habang siya ay namumuno, lalo siyang minamahal ng kanyang mga nasasakupan dahil nararamdaman ng Dragon ang pangangailangan ng mahihirap na tao.
Isang kabalintunaan ng buhay na dahil napaka-sensitibo ng Dragon sa pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan at dahil nasa kanya na ang halos lahat ng bagay, karangalan at kapangyarihan –ito ang nagiging sanhi upang siya ay makadama ng pag-iisa na may kaakibat na matinding kalungkutan at labis na pagtataka sa kanyang puso.
Itutuloy




Comments