top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Isulong ang Alternative Learning System sa gitna ng COVID-19

  • Kuya Win Gatchalian
  • May 7, 2020
  • 2 min read

Magandang balita! Aprubado na sa Senado sa pangatlo at pangwakas na pagbasa ang panukala ng inyong lingkod na maglulunsad ng Alternative Learning System Community Learning Center (ALS CLC) sa bawat lungsod at munisipyo sa buong bansa.

Sa ating iniakdang panuklang-batas na Alternative Learning System (ALS) Act, mas marami nang mamamayan ang magkakaroon ng pagkakataong matapos ang kanilang pag-aaral kung bawat lungsod at munisipyo sa bansa ay may sariling ALS CLC.

Sa pangangasiwa ng Department of Education (DepEd), ang ALS ay isang programa na naglalayong bigyan ng libreng edukasyon ang indibidwal na hindi makapasok sa mga paaralan dahil sa kawalan ng kakayahang magbayad ng matrikula o malalayo at liblib na lugar nanunuluyan. Kabilang dito ang mga persons with disabilities o mga may kapansanan, indigenous peoples (IPs), children in conflict with the law (CICLs), mga persons deprived of liberty, mga migrant workers at iba pang mga tinaguriang nasa laylayan ng lipunan.

Kumpara sa istruktura ng formal education, ang pagtuturo sa ilalim ng ALS ay kadalasang ginagawa sa mga komunidad gamit ang mga community learning centers at barangay multi-purpose halls.

Sa kasalukuyan, nagsisilbing malaking hamon ang ALS ngayong panahon ng pandemya habang naghahanda na ang mga paaralan sa muling pagbubukas ng klase.

Sa kabila ng banta ng COVID-19, inaasahang tutugunan ng ALS ang patuloy at de-kalidad na edukasyon kung saan gagamitin ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo na kailangan sa ilalim ng tinatawag nating ‘new normal.’ Kabilang dito ang digital learning, modular instruction, pati na ang traditional media platforms tulad ng radyo at telebisyon.

Noong nakaraang taon, mayroong 738,929 na mga mag-aaral na kasali sa ALS program. Pero ayon sa May 2018 Philippines Education Note ng World Bank, may humigit-kumulang 24 milyong Pinoy na may edad 15 pataas ang hindi nakapagtapos sa high school. Base rin sa naturang ulat, may 2.4 milyong kabataang edad lima hanggang 14 ang hindi nag-aaral.

Mandato rin ng ALS ang palakasin ang Teacher Program nito upang tugunan ang kakulangan sa mga ALS teachers at facilitators. Naitala noong 2019 na mayroon lamang 10,214 na ALS learning facilitators, mobile teachers, District ALS coordinators at literacy volunteers. Kaya layon din ng gobyerno na punan ang pagkukulang na ito.

Naniniwala tayong kung ang bawat lungsod at munisipalidad sa bansa ay magkakaroon ng ALS CLC, mas madali nating maaabot at mabibigyan ng dekalidad na edukasyon ang bawat mamamayang Filipino na napagkaitan ng pagkakataong tapusin ang kanilang pag-aaral. Hangad natin ang matagumpay na pagsasabatas nito sa lalong madaling panahon.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page