Pakiusap sa mga negosyante, pagiging makatao at malawak na pang-unawa sa gitna ng krisis, ‘wag kalim
- Ryan B. Sison
- May 6, 2020
- 2 min read

Kung may mga taong sobra-sobra ang pag-intindi at handang isakrpisyo ang kikitain para makatulong sa ibang tao, siyempre, meron ding halos wala nang konsensiya at inuuna pa rin ang pera sa gitna ng pandemya.
Kaugnay nito, viral ang video ng isang nanay sa Caloocan City ang pinalayas sa inuupang bahay matapos hindi makabayad ng renta sa buwan ng Abril.
Ang viral video ay kinuhanan noong Mayo 1 kung saan makikitang yakap-yakap ng ina ang sanggol habang nakikipagtalo sa mga taga-barangay dahil sa renta. Ito ay dahil may nagtatangkang kumuha sa kanyang sanggol dahil sa utos umano ng barangay official.
Ayon sa ginang, sinasabi ng mga awtoridad na kailangang kunin ang kanyang anak dahil wala umano siyang kakayahang alagaan ang bata at dito napag-alaman na ang inuupahan ng ginang ay pag-aari ng ina ng isang barangay officer.
Paliwanag ng ginang, maayos itong nakipag-usap dahil wala itong pambayad at ang perang inaasahan sa social amelioration program (SAP) ang ipambabayad nito sa renta.
Pumunta ang ginang sa barangay hall para magreklamo, pero pag-uwi nito, naka-lock na ang kanyang bahay.
Ayon sa Caloocan Police, may karapatang magdemanda ang ginang at posibleng maipasara ang paupahan kung wala itong permit.
Nakalulungkot lang dahil nakikita naman natin na marami ang nahihirapan at umaasa lang sa ayuda ng gobyerno, pero sige pa rin kayo sa panggigipit.
Hindi naman forever na hihingi ng pang-unawa sa inyo ang mga tao kaya sana, kahit sa pagkakataong ito ay magkaroon kayo ng konsiderasyon.
Wala namang may gusto ng nangyayari, pero kung talagang hindi n’yo kayang unawain ang sitwasyon, mmanigil kayo sa makataong paraan.
Paalala sa publiko, kapag nakaranas kayo ng anumang uri ng panggigipit sa gitna ng pandemya, i-report agad ito sa mga awtoridad para maaksiyunan.
‘Ika nga, oks lang ituloy ang negosyo pero ‘wag kalimutang maging makatao.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.
Comments