Pagbuo ng “COVID-19 trackers” na tutulong sa paghinto ng pagkalat ng virus, pinag-aaralan na
- Nancy Binay
- May 6, 2020
- 2 min read
Nagpatuloy ang regular session ng Senado nitong nakaraang Lunes sa kabila ng enhanced community quarantine.
Kasama tayo sa 15 senador na nagpunta sa Senado para sa session.
Inaprubahan namin ang Senate Resolution No. 372 na nag-a-amiyenda ng Senate rules upang payagan ang Senado na gawin ang opisyal na gawain sa pamamagitan ng teleconferencing at iba pang elektronikong pamamaraan.
Ang resolusyong ito ay bilang pagtugon sa mga krisis tulad ng kasalukuyang COVID-19 pandemic, upang patuloy na magampanan ng mga senador ang kanilang tungkulin kahit hindi pisikal na makakapasok sa Senado.
☻☻☻
Sa ilalim ng amended rules, kapag nagdeklara ng national emergency ang majority ng Senado, papayagan ang mga senador na: Mag-sponsor ng committee report; sumali sa interpellation at period of committee and individual amendments ng mga dinidinig na panukalang batas at bumoto sa pamamagitan ng teleconferencing.
Maging ang House of Representatives ay nagpatuloy ng session sa pamamagitan ng teleconferencing.
Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, na mas nagiging laganap na rin ang paggamit sa iba pang industriya, matitiyak nating hindi madidiskaril ang trabaho ng Senado bagama’t may mga balakid sa pisikal na presensiya ng mga senador.
☻☻☻
Kailangan ng bansa na magkaroon ng “COVID-19 trackers” na tutulong sa paghinto ng pagkalat ng virus.
Sa kasalukuyan, ang DILG-PNP ang naatasan na gawin ang contract tracing. Ngunit inamin ng DILG na nahihirapan sila sa tungkuling ito dahil sa kawalan ng sapat na public health background at pamilyaridad sa mga komunidad.
Kung kaya, sa pag-downgrade ng mas maraming lokal na pamahalaan sa general community quarantine, magandang ideya na gumawa ng special unit ng trackers para sa contract tracing lalo pa’t patuloy na numinipis ang hanay ng ating healthcare workers.
Kahit pa na i-downgrade sa GCQ, dapat mas maging maingat at conscious tayo na sundin ang minimum public health protocols (wearing masks, washing hands, social distancing, quarantine) at infection control measures (coughing at sneezing etiquette).
Hindi tayo dapat magpabaya at kailangang patuloy nating palakasin ang public health system natin.
☻☻☻
Huwag tayong mawawalan ng pag-asa sa gitna ng madilim na yugto na ito sa kasaysayan ng mundo.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments