Sekyu, binaril at namatay dahil sa pagsita sa customer na walang face mask
- Lolet Abania
- May 5, 2020
- 2 min read

Michigan – Isang sekyu sa pamilihan ang sadyang binaril at namatay, matapos na makipagtalo sa isang customer dahil sa pagsita nito sa batang kasama na dapat nakasuot ng mask kung papasok sa kanilang tindahan, ayon sa county prosecutor’s office.
Nagsimula ang argumento, kung saan si Calvin Munerlyn, 43, security guard ng Family Dollar Store na matatagpuan sa Flint, Michigan, ay pinagsabihan si Sharmel Lashe Teague, 45, na ang lahat ng customer na namimili sa kanilang store ay kinakailangang nakasuot ng masks, pahayag ng Genesee County Prosecutor na si David Leyton sa isang news conference.
Sinigawan umano ni Teague ang sekyu, dinuraan at tinabig paglabas ng tindahan, ani Leyton. Makalipas ang 20 minuto, bumalik ang kotse ni Teague sa store, at lumabas sa sasakyan ang asawa nitong si Larry Edward Teague, 44 at anak na lalaking si Ramonyea Travon Bishop, 23, saka kinompronta si Munerlyn, ayon sa mga imbestigador na nakakausap sa mga witness sa insidente at sa napanood sa surveillance video. Bumunot ng baril si Bishop at ipinutok kay Munerlyn, sabi ni Leyton.
Ayon pa kay Leyton, ginagawa lamang ni Munerlyn ang kanyang trabaho upang protektahan ang iba sa nakamamatay na sakit na coronavirus at ipinatutupad ang statewide executive order na pagsusuot ng face masks.
Sa Michigan, ang mamamayan doon ay kinakailangang magsuot ng face coverings sa lahat ng lugar. Gayundin, ang mga pamilihan ay maaaring hindi magbigay ng serbisyo o ‘di papasukin sa kanilang store ang sinuman na walang suot na masks.
“We simply can’t devolve into an ‘us versus them’ mentality,” sabi ni Leyton. “We need to make a commitment as a community to do the things necessary to allow us to stay healthy and turn a page on this crisis together. Not for ourselves but for Calvin Munerlyn, who lost his life needlessly and senselessly.”
Inaresto ng Michigan State Police si Sharmel Teague subalit pinaghahanap pa ang dalawang lalaking suspek, sabi ni Special 1st Lt. David Kaiser.
Sinampahan ng kasong first-degree premeditated murder at gun charges ang tatlong suspek. Si Larry Teague ay may karagdagang kasong ‘paglabag sa mandato, na nag-uutos sa mga tao ng pagsusuot ng face coverings sa loob ng mga pamilihan’, kung saan ay isang krimen na may kaukulang kaparusahan, ayon kay Leyton.





Comments