Taumbayan, 'di dapat makampante 'pag tinanggal ang ECQ at GCQ dahil may banta ng 2nd wave ng
- Ryan B. Sison
- May 4, 2020
- 2 min read

Habang nagpapatuloy ang pag-iral ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa mga high-risk areas at General Community Quarantine (GCQ) naman sa mga moderate-risk areas sa COVID-19, may babala ang mga awtoridad.
Binalaan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año ang publiko na patuloy na sumunod sa mga polisiya kontra COVID-19 at new normal kapag tuluyan nang inalis ang lockdown.
Ito ay para makaiwas ang bansa sa second wave ng deadly virus, gayundin, upang hindi matulad ang Pilipinas sa ibang bansa na muling nakararanas ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases matapos magtanggal ng lockdown.
Ayon kay Sec. Año, ganito ang naganap sa Singapore na nag-akalang tagumpay nilang nasugpo ang virus, ngunit biglang tumaas ang kaso ng sakit sa kanilang bansa.
Dahil dito, ipinaliwanag ng kalihim na malaking bagay ang behavior o pag-uugali ng mamamayan sa desisyon sakaling alisin o hindi ang ECQ at GCQ dahil dito matutukoy kung patuloy pa ring kakalat ang virus.
Sa totoo lang, mahabang laban pa ang kahaharapin natin, pero habang nag-a-adjust ang ilan sa new normal, patuloy nating sundin ang mga panuntunan.
Bagama’t, patuloy ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para masugpo ang sakit, tayong mamamayan ay may dapat ding gawin.
Tulad ng sinabi ng kalihim, mawala man o hindi ang ECQ at GCQ, ipagpatuloy natin ang regular na pagsusuot ng facemask, pagsunod sa social distancing at mas madalas na paghuhugas ng mga kamay.
Huwag tayong makampante dahil kung tutuusin, malaki ang maiaambag ng pag-uugali ng mamamayan para masugpo ang virus. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan at taumbayan, malaking banta man ang second wave ng COVID-19, kayang-kaya natin itong labanan.
‘Ika nga, walang imposible kung lahat tayo ay magtutulungan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments