top of page

Paglaki o paglobo ng tiyan ng kalalakihan, sanhi ng liver cirrhosis

  • Shane Ludovice
  • May 4, 2020
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Mayroong liver cirrhosis ang tatay ko at siya ay 66 years old na ngayon. Ang sabi ng mga tiyuhin ko ay manginginom daw ang tatay ko noong kabataan nito kaya hindi nakapagtataka na nadale siya ng sakit na ito. Totoo bang nakukuha ang sakit na ito sa madalas na pag-inom ng alak? – Alex

Sagot

Ang isa sa mga pinakamalubhang uri ng kondisyon na maaaring makadale sa atay ay ang ang cirrhosis. Ang sakit na ito ay makikilala sa pamamagitan ng pamamaga ng atay at ang pagkakaroon nito ng mga peklat. Kapag lumala ang kondisyon ng pasyente, napapalitan ng mga peklat na ito ang mga malulusog na selula ng atay.

Ang isa sa mga pangunahing sanhi ng cirrhosis ay ang labis na pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Ang pagkakaroon ng Hepatitis C ay isa rin sa mga sanhi nito.

Sa simula ay hindi mapapansin ang mga sintomas ng cirrhosis. Ngunit kapag malala na ang pinsala sa atay, makikita na ang mga palatandaang kagaya ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng edema o pamamanas ng mga binti, paa at bukung-bukong

  • Pagkakaroon ng jaundice o paninilaw ng mga mata at balat

  • Paglaki ng tiyan bunga ng pamamaga ng atay at pagkakaroong ng ascites o tubig sa tiyan

  • Pagbagsak ng timbang

  • Madalas makaramdam ng labis na pagkapagod

  • Pagkawala ng ganang kumain

  • Pangangati ng balat

  • Pagbakat ng mga ugat sa balat

  • Pamumula ng mga palad

  • Pagkakaroon ng hepatic encephalopathy kung saan ang tao ay nakararanas ng pagkalito, hirap sa pagsasalita

  • Madalas makaranas ng pagkaantok

  • Pagkawala ng regla sa kababaihan kahit hindi pa nagkakaroon ng menopause

  • Pagkawala ng ganang makipagtalik

  • Pagliit ng mga bayag sa kalalakihan

Mga uri:

Ang mga ito ay ang cirrhosis na dulot ng nakalalasing na inumin, cirrhosis na kaugnay ng hepatitis C, primary sclerosing cholangitis at ang primary biliary cirrhosis.

  • Cirrhosis na dulot ng nakalalasing na inumin. Ayon sa American Liver Foundation, tinatayang 10 hanggang 20 na porsiyento ng mga labis na umiinom ng mga ganitong uri ng inumin sa loob ng sampung taon ay maaaring magkaroon ng cirrhosis.

  • Cirrhosis na kaugnay ng Hepatitis C. Halos 20 hanggang 25 na porsiyento ng mga taong may ganitong uri ng sakit ay maaaring magkaroon ng cirrhosis.

  • Primary sclerosing cholangitis. Ito ay isang uri ng kondisyon na umaapekto o nagdudulot ng pagbabara sa daluyan ng bile. Ang bile ay ang sangkap na nagmumula sa atay at ito ay dumadaloy sa bile duct papunta sa apdo at sa maliit na bituka. Kapag namaga ang daluyan ng bile, nagkakaroon ito ng mga peklat. Dahil dito, kumikipot ang daluyang ito hanggang sa hindi na halos makadaloy papalabas ng atay ang bile. Kapag lumala ito, maaaring magkaroon ng cirrhosis ang atay hanggang sa ito ay hindi na gumana.

  • Primary biliary cirrhosis. Ito ay isang uri ng pabalik-balik na autoimmune disease. Unti-unti nitong sinisira ang atay na maaari ring magdulot ng cirrhosis at ganap na pagtigil ng paggana nito.

Tandaan na kapag nagkulang sa pag-iingat, ang sinuman ay maaaring magkaroon ng cirrhosis lalo na kung hindi sumusunod sa malusog na paraan ng pamumuhay. Habang maaga ay alagaan ang kalusugan upang sa huli ay hindi pagdusahan ang kapabayaan.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page