Negosyanteng mananamantala kasabay ng laban sa COVID-19, binalaan
- Mylene Alfonso
- May 4, 2020
- 1 min read

Tiniyak ng Bureau of Customs (BOC) na ipagpapatuloy ang kampanya laban sa mga tiwaling negosyante na nagsasamantala sa mataas na demand ng personal protective equipment (PPE) at medical supplies laban sa Coronavirus Disease 2019.
Una nang nakumpiska ng BOC at National Bureau of Investigation (NBI) ang P40 milyong halaga ng mga Chinese medicines na sinasabing gamot sa COVID-19, ngunit hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA), PPEs at medical supplies sa isang bodega sa Maynila.
Alas-10:45 ng umaga noong Mayo 1, nang isagawa ng mga tauhan ng BOC-Intelligence Group-Customs Intelligence Investigation Service (IG-CIIS), NBI-Special Action Unit (SAU), na binak-apan ng mga personnel ng Philippine Coast Guard (PCG), ang pagsalakay sa warehouse na matatagpuan sa Singalong, Malate, Manila.
Isinilbi ng mga operatiba ang isang Letter of Authority (LOA) na tinanggap naman ng isang Chinese national na kinatawan ng bodega.
“There will be no let up in our anti-smuggling campaign despite the threat of COVID-19 in the country. Our men will continue to be diligent in fulfilling the mission and get the job done,” ayon kay Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro.
Tutukuyin din umano ng mga awtoridad kung ang mga naturang nakumpiskang items ay ipinuslit papasok sa bansa o smuggled, at kung ilegal na ipinagbibili sa merkado.





Comments