PWD at senior citizen na hirap makakuha ng ayuda sa ahensiya ng pamahalaan, dapat iprayoridad!
- Nancy Binay
- May 3, 2020
- 2 min read
Isa lamang ang kaso ni Roy Moral na isang person with disability (PWD) sa mga kababayan nating PWD na nakararanas ng labis na paghihirap ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Hirap na makalakad si Roy dahil sa kanyang ankylosing spondylitis. Siya ay nakararamdam ng sakit sa tuwing siya ay maglalakad. Kung kaya’t isang malaking pasakit ang pagpunta niya sa tanggapan ng DSWD sa Imus City upang kumuha ng kanyang ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Ayon pa sa kanya, kinailangan niyang magpunta ng personal sa tanggapan dahil hindi umano tinanggap ang authorization letter na dala ng kanyang asawa noong una itong nagpunta.
☻☻☻
Dahil na rin sa kanilang kondisyon, mahirap o imposible para sa may ankylosing spondylitis ang magpunta pa sa mga opisina upang kunin ang kanilang ayuda, lalo na at halos wala o limitado ang pampublikong sasakyang pumapasada sa mga lugar nasa enhanced o general community quarantine. Maaari pang malantad sila sa virus habang pumupunta sa tanggapan, lalo na kung mayroong co-morbidity ang PWD o senior citizen.
Ngayong panahon ng COVID-19, nakikiusap tayo sa DSWD at iba pang concerned na mga ahensiya ng pamahalaan na bigyang-konsiderasyon ang kalagayan ng mga bibigyan ng ayuda, partikular na ang humigit-kumulang 2 milyong PWD at humigit-kumulang 8 milyong senior citizens. Maaaring puntahan na lamang sa kanilang mga bahay ang mga bibigyan ng tulong.
Nawa’y sa paglaban natin sa COVID-19 ay hindi natin makalimutan ang mga kababayan nating may espesyal na pangangailangan. Kailangan nila ng higit na pag-unawa at pagkalinga sa panahong ito.
☻☻☻
Sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso bukas ay inaasahang tatalakayin ang mga plano at paghahanda ng ating pamahalaan sa tinatawag na “new normal” o ang buhay natin habang panahon ngayon ng COVID-19 hanggang sa may madiskubreng mabisang bakuna laban dito.
Partikular na aalamin natin ang kinakailangang suporta ng pamahalaan pagdating sa pambansang badyet, pati na ang maaaring itulong sa iba’t ibang industriya, lalo na yaong mabigat na tinamaan at naapektuhan ng COVID-19.
Nais din nating alamin ang kinakailangang tugon at polisiya upang mapabilis ang paghahanap ng bakuna, kasama na ang research and development.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-aalaga ang kalusugan at huwag kalimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments