Sablay na sistema sa pamimigay ng ayuda, dobleng pahirap sa masa
- Ryan B. Sison
- May 2, 2020
- 2 min read

Simula kahapon, Mayo 1, ilang lugar na ang isinailalim sa General Community Quarantine o GCQ. Ibig sabihin, ito ang mga lugar na may low to moderate risk sa COVID-19 kung saan may mga pagbabago o bahagyang pagluluwag sa mga panuntunan kumpara sa enhanced community quarantine (ECQ).
Gayunman, nasa ilalim pa rin ng ECQ ang NCR at iba pang “high risk” areas kaya naman, marami pa rin sa Metro Manila ang umaasa sa tulong-pinansiyal na ibibigay ng pamahalaan sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mahihirap na pamilya.
Batay sa ulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG), nasa 70% pa lang ang natatapos sa pamamahagi ng SAP.
Matatandaang unang nagbigay ng deadline ang DILG sa Local Government Units (LGUs) sa pamimigay ng SAP hanggang noong Abril 30, ngunit dahil hindi kinaya, humiling ang ilang lokal na pamahalaan ng karagdagang araw para maipamahagi ang ayuda, na pinagbigyan naman ng DILG. Dahil dito, karagdagang pitong araw ang ibinigay sa kanila.
Sa totoo lang, marami nang nakatanggap ng ayuda, pero mayroon pa rin talagang hindi nabibigyan kahit form lang. Sabagay, sa dami ng dapat mabigyan at pagrebisa ng listahan, hindi talaga ito madali para sa lokal na pamahalaan.
Pero ang ipinagtataka ng marami, paano nadodoble ang natatanggap na ayuda ng ibang pamilya?
May ibang nagsasauli ng ayuda dahil nakatanggap na mula sa 4Ps at may mga naniniwalang hindi sila kuwalipikado kaya ibinabalik ang pera para mapakinabangan ng ibang pamilya.
Mabuti sana kung lahat ng tao ay tapat at nagpapaubaya para sa higit na nangangailangan, pero paano naman ‘yung mga nakalulusot?
Sa kabilang banda, talamak din ang mga reklamo hinggil sa pananamantala at hindi makatarungang basehan para maging kuwalipikado.
‘Yung iba riyan, ginagamit ang mga kamag-anak o kaibigang nagtatrabaho sa barangay para makapasok sa listahan ng benepisaryo at meron namang lumang survey ang ginagamit na listahan sa pagberipika ng mga kuwalipikado.
Gayundin, may mga nananadya na mag-fill-up ng higit sa isang form kaya ang ending, nagkukulang ang form at napag-iiwanan ang ibang residente.
Sa ilang linggong pamamahagi ng ayuda, hindi maitatangging magulo pa rin talaga.
Kawawa naman ang mga pamilyang hindi makatatanggap ng tulong kahit kuwalipikado dahil sa magulong sistema.
Tutal, may ilang araw pa bago ang deadline, magkaroon sana ng mas malinaw at maayos na pagpapatupad ng sistema para lahat ng karapat-dapat ay makatanggap.
Lahat tayo ay apektado ng pandemya. Gayundin, lahat tayo ay kumakalam ang sikmura kaya sa halip na maglamangan, maging patas tayo sa isa’t isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments