Anak, akala nasa itaas pa ng bahay, inakyat... Tatay, patay sa sunog
- Gina Pleñago
- May 2, 2020
- 1 min read

Na-trap sa nasusunog nilang bahay ang 30-anyos na ama kung saan may 20 kabahayan ang natupok ng apoy kahapon sa Barangay Maharlika, Taguig City.
Kasalukuyang nasa labas ng kanilang tatlong palapag na bahay sa Cagayan De Oro St. Maharlika Village ang biktimang si Jopuri Mobaka nang masunog ang bahay sa kanilang lugar ala-1:26 ng hapon na nagsimula sa bahay ng isang Emon Mopak sa hindi pa batid na dahilan.
Sa pahayag ng maybahay ng biktima na si Joanna kay Taguig Fire Marshall Supt. Randolph Bides, inakala ng kanyang mister na nasa ikatlong palapag pa ang kanilang anak kaya nagmamadaling umakyat hanggang sa ma-trap nang tuluyan dahil sa makapal na usok.
Batay kay Arson Investigator SFO2 Joy Parungao, natagpuan ang bangkay ng biktima sa ikatlong palapag ng nasunog nilang tirahan.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula bandang alas-3:00 ng hapon na umabo sa tirahan ng may 30 pamilya na pansamantalang nanunuluyan ngayon sa covered court ng Barangay Maharlika.





Comments