Foreigner na nakuhanan ng video na nagalit at pinagmumura ang pulis, posibleng mapalayas sa bansa
- Korina Sanchez
- May 1, 2020
- 1 min read
Dapat may arrest o search warrant ang mga pulis bago sila makapasok sa iyong tahanan. Saklaw ang mga bakuran, driveway at common area ng condominium bilang bahagi pa rin ng iyong tahanan.
Ito ang pahayag ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa magkasunod na insidente kung saan pinagsabihan ng pulis ang ilang lumalabag umano sa enhance community quarantine kahit nasa loob ng tahanan ang mga ito.
Hindi ko alam kung makikinig ang gobyerno sa pahayag ni Carpio at alam naman nating “hindi paborito” ng kasalukuyang administrasyon ang dating hurado.
Gayunman, ito rin ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isa ring abogado noong naganap ang insidente sa Pacific Place Towers sa Taguig ilang linggong nakalipas.
Sinundan naman ito ng insidente sa Dasmariñas Village, Makati sa pagitan ng pulis at dayuhang residente.
Sa cellphone video, makikitang pinagmumumura ni Javier Salvador Parra si Roland Madrona dahil sa pagsita sa kasambahay na walang suot na face mask habang nagdidilig ng halaman. Makikita sa driveway na nakatayo si Parra habang nasa kalsada naman si Madrona. Sinubukan itong arestuhin ni Madrona dahil sa pagmumura at pang-iinsulto ni Parra sa kanya.
Nahaharap na sa ilang kaso si Parra at iniimbestigahan na rin ng Bureau of Immigration (BI) kung dapat siyang i-deport bilang “undesirable alien”.
Ipinagtanggol din si Madrona at sinabing puwedeng arestuhin si Parra dahil may naganap na krimen, ang pagmumura sa awtoridad at pati na rin ang paglabag sa ECQ.
Malinaw na pinalaki ni Parra ang insidente dahil sinita lang ni Madrona ang kasambahay na walang face mask. Ngayon, nahaharap na sa ilang kaso at baka ma-deport pa ito.





Comments