Para good vibes habang sinusunod ang ECQ... SK officials at volunteers ng Bgy. Panghulo, Malabon Cit
- Jersy Sanchez
- Apr 28, 2020
- 2 min read

Photo credits: Muriel P. Baldago
Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging malikhain sa anumang panahon at pagkakataon. Bukod pa rito, anuman ang pinagdaraanan natin, hinding-hindi nawawala ang linyang “good vibes lang” at kahit bagyo, lindol, sakuna o pandemya man, kayang-kaya natin itong labanan nang may ngiti sa ating mga labi.
Habang hinaharap ng buong mundo ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic, kani-kanyang diskarte ang mga Pinoy para manatiling ligtas at nasusunod ang mga panuntunang umiiral sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).
Gayunman, agaw-atensiyon at kinagigiliwan ngayon ng netizens ang gimik ng Bgy. Panghulo, Malabon City. Tinawag itong “Project Star Wars” na naisip ng barangay chairman na si Ian Borja at binigyang-kulay ng SK Council sa pangunguna ni SK Chairwoman Alexandria Ignacio kasama ang ilang kabataan na volunteer.
Ang pakulo, nakasuot ng Star Wars costume ang mga SK officials at volunteers habang rumoronda nang sa gayun ay masiguradong nasusunod ng kanilang mga ka-barangay ang ipinatutupad na ECQ. At hindi lang sila basta naka-costume, mga besh, dahil ang kanilang mga suot ay handmade at galing sa recycled materials. Wow!
Ayon kay Muriel P. Baldago, katulong niya ang SK officials ng barangay sa paggawa ng costumes. Aniya, nais nilang maghatid ng kasiyahan sa kabila ng problema sa bansa.
Dagdag pa ni Baldago, sa paraang ito, sana ay mapalitan ng saya ang takot ng kanilang mga ka-barangay sa COVID-19.
Gayundin, sa halip na mag-utos at gumastos sa magsusuot, sila-sila na lang umano ang gumagawa nito para makatipid at ang mga materyales na ginamit ay recycled rubber mats sa mga sasakyan at mga pandikit at pangkulay lamang ang kanilang binili.
Nakakamangha dahil kahit may problema man o wala, dahil sa proyektong ito, hindi natin maitatanggi na hindi nawawala ang pagiging malikhain ng mga Pinoy, gayundin, nangingibabaw ang kagustuhang magpasaya sa isa’t isa sa habang patuloy na nilalabanan ang pandemya.





Comments