top of page

Oks lang kahit walang label… John Lloyd kay Bea: hindi ko na alam kung ano pa tayo… ang mahalaga, na

  • Vinia Vivar
  • Apr 28, 2020
  • 4 min read

Viral at trending simula pa kagabi (Monday, April 27) ang live conversation sa Instagram nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz kung saan ay halos 30 minutes silang nag-usap at napakaraming napag-usapan.

Ang daming kinilig, natuwa, nalungkot at may mga nagsabi pang gusto nilang maiyak dahil first time nga naman yatang nakita ang dalawa na nag-usap nang ganito kakaswal na hindi eksena sa pelikula, though ang dami ring nagsabi na parang pelikula nga ang naganap na conversation.

Actually ay live session lang talaga ni Bea ‘yun para sa kanyang mga IG followers pero maya-maya ay na-bored yata ang aktres at naghanap ng matatawagan. May ilan siyang tinawagang friends pero hindi sumasagot ang mga ito hanggang si Lloydie na ang tawagan niya at sumagot naman ang aktor.

Tuwang-tuwa si Bea nang sumagot si John Lloyd. Kumustahan at lokohan sa simula hanggang sa maging seryoso na ang usapan nang mag-confess ang aktor na pakiramdam niya ay nag-iisa siya kahit maraming nakapalibot sa kanya.

“Parang ito na yata ‘yung pinakamalungkot na pag-iisa. ‘Yung tipong napapalibutan ka naman ng ibang tao, pero hindi mo lang alam, hindi mo masabi kung saan nanggagaling ‘yung pakiramdam na nagsasabing mag-isa ka pa rin,” pagtatapat ni Lloydie.

Alam daw niya na dapat siyang maging masaya dahil masuwerte naman ang buhay niya.

Aniya, “May bahay ka, nakakakain ka ng higit sa dapat sa isang araw kahit nasa lockdown ka.

Nakakapag-internet ka. So 'di ba dapat, masaya ka? Dapat magpasalamat ka na lang. Matuto kang makuntento kung ano'ng meron ka, kung nasaan ka.”

Pero hindi niya raw alam kung bakit mayroon siyang ganu'ng nararamdaman.

“Ang sama, eh, 'no? Parang sarili ko lang iniisip ko,” he said.

Pag-alo naman ni Bea, “Hindi, hindi naman. Pero try mo pa ring maging masaya kahit na para kay Elias lang.”

Si Elias ay magda-dalawang taon na, ang anak nina John Lloyd at Ellen Adarna.

Seryoso pa ring sabi ni Lloydie, natatakot daw siya para sa kanyang anak.

Aniya, “Alam mo, sa totoo lang, nalulungkot ako para sa anak ko. Actually, hindi, eh, hindi lungkot, mas takot. Natatakot ako para kay Elias.

“Natatakot ako kung paano ko siya palalakihin sa ganitong mundo. Natatakot ako na dito ko siya palalakihin sa ganitong estado ng mundo. Iba na ‘yung mundong ginagalawan natin, Bey, eh, iba, ibang-iba na. Nakakatakot, eh.

“Ang bilis nang mamatay ngayon, eh. Ang bilis nang pumatay. Kaya iniisip ko, matatawag ba talaga nating masuwerte ang mga sarili natin habang ‘yung iba na hindi masuwerte, nababaril lang nang ganu’n-ganu’n sa kalye, namamatay na lang nang walang kalaban-laban dahil sa sakit.

“Ako, nahihirapan akong sabihing suwerte ako. Nakakahiya. Parang nakakahiya na masuwerte ka, wala ka namang magawa,” he said.

“Ano ka ba?” pag-comfort ni Bea, “Alam mo, feeling mo lang, wala kang magagawa, pero sa totoo lang, marami tayong puwedeng gawin, tayong mga masuwerte.”

Pero ani Lloydie, iniisip nga raw niya kung talagang masuwerte siya na rito niya palalakihin sa mundong ito ang kanyang anak.

“Wala akong choice, kasi dito ko kailangang palakihin ang anak ko sa ganitong estado ng mundo, sa ganitong klase ng mundo. Hindi ko alam kung masuwerte pa rin ang tawag du’n,” seryosong sabi ng aktor.

Dumating din sa puntong nagtaasan sila ng boses at halatang nagkapikunan. Kinuwestiyon kasi ni Lloydie ang charity project ngayon ni Bea sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan ay nagbabahagi nga ang aktres ng tulong sa mga nangangailangan.

Nagkaroon sila ng argumento at halatang na-offend si Bea nang sabihin ni Lloydie na nagbibigay siya ng false hope sa mga tao.

“Ano ‘yun, ako na nga ‘yung tumutulong, ako pa ‘yung nakakasama, ganu’n?” sabi ni Bea.

Paliwanag naman ni Lloydie, “Hindi ko sinasabing masama ang tumulong.”

Sagot naman ni Bea, “Eh, parang ganu’n ‘yung sinasabi mo.”

Buti na lang at hindi naman humantong sa malalang away ang diskusyon although diretsong sabi

ni Bea kay Lloydie, “Ganyan ka na ka-pessimistic? Totoo? Ganyan ka na?”

Pero natigil din naman ang kanilang diskusyon at nakakakilig na ang sumunod na usapan dahil nag-reenact sila ng classic scene nila bilang sina Popoy at Basha sa One More Chance.

Heto pa ang isang nakakakilig na dialogue ni Lloydie kay Bea:

“Nandu’n ka nu'ng nagmahal ako. Nandu’n ka nu'ng nasaktan ako. Nandu’n ka nu'ng wala akong matakbuhan. Nandu’n ka nu'ng kailangan ko ng kaibigan. Nandu’n ka nu'ng kailangan ko ng kausap.

“'Pag binabalikan ko ang lahat ng ‘yun, minsan, hindi ko na alam kung ano pa tayo, kung sino tayo.

Pero okay lang kasi ang mahalaga, nandu’n ka. ‘Yun lang, sapat na ‘yun.”

Akala ni Bea ay linya pa rin sa pelikula ang sinabi ni Lloydie kaya tanong niya, “Ano'ng movie ‘yan?”

Sagot ni Lloydie, “Wala, gusto ko lang sabihin.”

Bukod dito ay hinarana pa ng aktor ang kaibigan at kinantahan ng You Are My Sunshine habang naggigitara.

Bago natapos ang pag-uusap nila ay ipinasilip pa ni John Lloyd sa camera si Elias para mag-'Hi' kay Bea at pagkatapos ay nagpaalam na ito sa aktres dahil patutulugin pa raw niya ang anak.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page