Palad ng misis na ayaw payagan ng mister na mag-abroad, dapat maglakas-loob para sa future ng mga an
- Maestro Honorio Ong
- Apr 27, 2020
- 2 min read

Katanungan
Masaya naman ang pamilya namin dahil mayroon akong mabait at responsableng mister. Hindi kami palaging nag-aaway ng mister ko maliban na lang kung tungkol sa pera. Mahina ang kita niya sa pinapasukan niyang pabrika habang ako naman ay nasa bahay lang. Tatlo ang aming anak at tapos na ng senior high school ang panganay. Ang pinoproblema ko ay kung saan kami kukuha ng pera na pang-college ng panganay naming anak.
Kaya pagkatapos ng problema ng ating bansa sa Covid-19, balak kong mag-abroad kaya lang, ayaw akong payagan ng mister ko dahil malungkutin siya at mahina ang loob. Ang iniisip ko naman ay kung walang maglalakas-loob na makipagsapalaran, walang magiging magandang future ang mga anak namin.
Kaya naisipan ko pong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ang dapat naming gawin para umunlad ang aming kabuhayan at mapag-aral namin ang aming mga anak sa kolehiyo para hindi sila matulad sa amin na hindi nakatapos ng pag-aaral?
Kasagutan
Tama ang iniisip mo dahil kailangang may magsikap at may maglakas-loob sa inyong mag-asawa dahil kung walang magsisikap sa inyo, lalaki nang hindi nakapag-aral sa kolehiyo ang inyong mga anak kaya wala rin silang magiging magandang future.
Samantala, buti na lang at kinakitaan ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) ang kaliwa at kanan mong palad na nangangahulugang kahit medyo kontrabida si mister sa binabalak mong pangingibang-bansa at may mga problema tayong kinakaharap, darating din ang panahong mapahihinuhod mo siya hanggang sa bandang huli ay mapilitan na rin siyang pumayag sa inuungot-ungot mong pagtatrabaho sa abroad.
Ang pag-aanalisang magkakasundo naman kayo sa bandang huli at papayagan ka rin niyang mag-abroad ay madali namang kinumpirma ng hiwalay na Life Line at Head Line (Drawing A. at B. L-L at H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa sandaling nakita ng iyong asawa na pursigidong-pursigido ka na makapag-abroad upang umunlad ang inyong buhay, hindi na rin siya makakokontra sa sandaling nalalapit na ang iyong pag-alis na tinatayang magaganap sa second quarter ng taong 2021.
Dapat Gawin
Tulad ng nasabi na, Dindith, tama ang iniisip mo dahil ayon sa iyong mga datos, basta nagsikap ka lang na mag-apply sa abroad, sa Mayo hanggang Hunyo, 2021 sa edad mong 34 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran na magiging simula upang unti-unti nang makaahon sa kahirapan ang inyong pamilya hanggang sa mapag-aral ninyo sa kolehiyo ang inyong mga anak at tuluyan na rin silang magkaroon ng asensado at maunlad na kinabukasan.




Comments