Mga residente, nakakagawa ng hindi tama dahil sa kumakalam na sikmura
- Ryan B. Sison
- Apr 27, 2020
- 2 min read

Ipinahabol sa aso, pinagbantaan at pinagmumura, ilan ito sa mga nararansan ng mga social workers sa kalagitnaan ng pagbeberipika ng mga pamilyang kuwalipikado sa benipisyo ng social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tulad ng inaasahan, hati ang opinyon ng taumbayan dahil sa dami ng nangangailangan, hindi lahat ay mabibigyan. Marami ang dismayado dahil sa anila’y hindi patas na kuwalipikasyon at pamimili kaya naman hindi na maitago ng ilang residente ang kanilang pagkadismaya.
Hindi inasahan ng social workers na hindi lang pala facemask na panangga sa banta ng COVID-19 ang kailangan nilang proteksiyon habang pinapasok ang mga barangay at eskinita sa Pasay City.
Noong nakaraang linggo, ang ipinahabol ang social workers sa mga aso ng isang residente na nagalit nang malaman na hindi kasama ang kanyang pamilya sa listahan ng makatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.
Sa kabilang banda, isa pang social worker na pinagbantaan ng residente kung hindi ito makatatanggap ng ayuda. Aniya, nagsisigaw ang residente kaya nagmadali siyang pumunta sa barangay para humingi ng tulong sa kapitan na tumawag naman ng pulis.
Samantala, pinagmunura ang isang namumuno sa social welfare and development department sa Pasay dahil sa umano’y mabagal na pamamahagi ng emergency cash subsidy sa kanilang siyudad.
Dahil sa mga natanggap na ulat, umapela ang DSWD sa publiko na ‘wag magalit at magtiwala sa social workers na nais magpahatid ng mga benepisyo ng SAP sa mga nangangailangan.
Nauunawaan nating kailangan ninyo ng ayuda para sa inyong pangangailangan.
Gustuhin man nating lahat ay mabigyan, may mga bagay na hindi puwede kaya dumidiskarte ang mga lokal na pamahalaan para lahat ay matulungan.
Gumagawa ng paraan ang pamahalaan para mapunan ang ating pangangailangan kaya panawagan sa publiko, kaunting pang-unawa at tiwala pa.
Sa panahong lahat tayo ay gipit, ‘wag nating kalimutan na manatiling mabuti sa isa’t isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments