Clinic ni-raid... Chinese na nagbebenta ng gamot sa COVID-19, timbog
- Gina Plenago
- Apr 26, 2020
- 2 min read

Huli ang isang babaeng Chinese sa ginawang pagsalakay ng Paranaque City Bureau of Permit & Licensing Office (BPLO) at City Health Office (CHO) na nagbebenta ng mga hindi rehistradong medisina at umano’y nanggagamot ng mga pasyenteng dinapuan ng COVID-19 sa ginawang pagsalakay sa kanyang klinika, kamakailan sa Parañaque City.
Kinilala ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang nadakip na si Yumei Liang, 44, alyas Liza Wu ng
Ayala, Alabang, Muntinlupa City na nagmamay-ari ng sinalakay na apat na palapag na medical clinic sa Garcia St. kanto ng Airport Road, Bgy. Baclaran habang nakatakas naman ang hindi pa
nakikilalang kaanak nito.
Ginawa ang pagsalakay sa pangunguna ni Atty. Melanie Marquez-Malaya na batay sa natanggap nilang impormasyon hinggil sa panggagamot at pagbebenta ng mga medisina na umano’y nakapagpapagaling sa mga tinamaan ng COVID-19.
Inaresto rin ng mga kawani ng pamahalaang lungsod ang utility boy ni Yumei na si Hinya Rodriguez na nadatnan sa loob ng gusali nang isagawa ang pagsalakay.
Nakuha sa ikatlong palapag ng gusali ang malalaking kahon na naglalaman ng tig-400 pakete na may lamang 24 kapsula na may tatak na Chinese character at may markang English na "Linhua Qingwen Jiaonang", “Shuang Huang Lian Kou Fu Ye” at mga amino acid injection na ginawa ng Kelum Pharmaceutical sa China habang may nakita ring hospital beds sa ikaapat na palapag ng naturang gusali.
Sinabi ni Malaya na halos dalawang buwan pa lamang ang operasyon ng medical clinic ng suspek mula nang ideklara ang enhanced community quarantine noong Marso.
Hindi umano marunong magsalita ng Tagalog o English ang suspek kaya pawang mga Chinese nationals ang kanyang mga kliyente na pumapasok sa klinika sa pamamagitan ng pagdaan sa likurang pintuan ng gusali.
Ayon naman kay Mayor Olivarez, nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) upang alamin kung ang mga nakumpiskang gamot na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ay tulad din ng mga nakumpiska kay Shi Jianchan na naaresto kamakailan sa Binondo, Manila habang nagbebenta ng medisinang nakakagamot umano sa COVID-19.
Nanawagan din ang alkalde sa Bureau of Immigration para sa madaliang pagpapatapon sa China ni Yumei bunga ng ginawa nitong pagbubukas ng klinika nang walang kaukulang Mayor’s permit at working permit, pati na ng pagbebenta ng gamot na hindi rehistrado sa FDA.





Comments