top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Dahil mas prone sa COVID-19... Tips para lumakas ang katawan nina lolo at lola

  • Justine Daguno
  • Apr 25, 2020
  • 2 min read

Ayon sa ulat, naitala na ang mga may edad 60 pataas ang susceptible o madalas tinatamaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Ito ay dahil mas mahina na ang kanilang immune system dulot ng pagtanda.

Napag-alaman din na prone ang mga senior citizens na mayroong diabetes at heart disease kung saan napahihina nito ang abilidad ng katawan na labanan ang nakahahawang sakit.

Kaya naman, sa patuloy na paglaganap ng naturang sakit, mas kinakailangan ng mga matatanda ang extra care at narito ang ilan sa mga bagay na dapat nilang gawin:

1. Physical distancing. ‘Wag munang makihalubilo o iwasan ang pagpunta sa matataong lugar at mas makabubuti na manatili lamang sa bahay. Kung may kailangang bilhin, iutos na lamang ito sa nakababatang kasama sa bahay, ngunit kung walang kasama o walang ibang mauutusan, siguraduhing susundin ang mga health protocols mula sa kinauukulan.

2. Bantayan ang mga sintomas. Nagkakamali tayo kung inaakala nating simpleng flu lang ang COVID-19. Kung nakararamdam o nakararanas ng ubo, pananakit ng katawan, hirap sa paghinga at iba pang sintomas ng COVID-19, ‘wag magdalawang-isip na tumawag sa mga health hotlines o magpunta agad sa pinakamalapit na pagamutan upang masuri at matukoy ang kondisyon.

3. Regular na ehersisyo. Hindi kailangang pumunta sa gym o field para makapag-ehersisyo. Maraming aktibidad sa loob ng bahay na makatutulong upang makapagpapawis tulad ng stretching o paggawa ng mga gawaing bahay kapag malakas ang katawan at immune system, siguradong hindi tayo tatamaan ng virus.

4. Humingi ng tulong sa mga propesyunal. Normal lamang na makaramdam ng lungkot, takot o labis na emosyon sa kasalukuyang sitwasyon, ngunit hindi ito dapat ipagsawalang-bahala. Dahil sensitibo ito, propesyunal o mga tao na may malawak na pang-unawa ang dapat nating hingan ng tulong o payo sa mga hakbang na kailangan nating gawin.

5. Panatilihing malusog ang sarili. Sa ngayon ay wala pang lunas o bakuna sa COVID-19 at ang magagawa lamang natin upang makaiwas sa sakit ay pangalagaan at panatilihing malusog ang sarili. Kaya kumain ng masususustansiyang pagkain, matulog ng sapat sa oras at sundin ang mga health protocols.

Sa totoo lang, walang pinipiling edad, kasarian o estado sa buhay ang COVID-19. Kung hindi tama ang paraan ng pangangalaga sa sarili, may posibilidad na madale ng nasabing deadly virus.

Gayunman, kung magtutulungan at magbibigay-suporta tayo sa isa’t isa, siguradong mapagtatagumpayan natin ang laban kontra COVID-19.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page