top of page

Mataas na creatinine, maaaring mauwi sa pagkakaroon ng problema sa bato

  • Shane Ludovice
  • Apr 25, 2020
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 63 years old at sa huli kong lab test ay nakitang mataas ang aking creatinine, kaya sinabihan ako ng doktor na mag-ingat sa aking mga kinakain na posibleng tumaas pa ito at magkaproblema na sa aking bato pagdating ng araw. Hindi naman ako hirap sa pag-ihi at walang nararamdamang kakaiba sa katawan. Paano ba malaman kung may problema na sa aking bato? – Eugene

Sagot

Kung may mga sintomas ng sakit sa bato, isa sa mahalagang pagsusuri na ipagagawa ng doktor ay ang blood chemistry o pagtingin ng sample ng dugo para makita ang iba’t ibang kemikal na andoon – kung normal ang mga antas nila.

Partikular na mahalaga ang sukat ng creatinine. Ang normal na sukat ng creatinine ay 0.6 hanggang 1.2 milligrams (mg) per deciliter (dL) sa kalalakihan at 0.5 hanggang 1.1 mg/dL sa kababaihan. Kung mataas ang creatinine, nangangahulugan na maaaring may diperensiya ang bato – bagama’t hindi puwedeng ito lamang ang gawing basehan para masabing may problema ang bato. Ang BUN o blood urea nitrogen ay isa ring sukat na mahalagang tingnan. Base sa creatinine, maaaring ma-compute ang glomerular filtration rate (GFR) na siyang sukat ng kakayanan ng mga bato na salain ang mga dumi ng katawan.

Bukod sa blood test, ang urinalysis o pagsusuri ng ihi ay mahalaga rin upang makita kung may protina o dugo sa ihi. Minsan, sinusukat din ang dami ng ihi sa loob ng 24-oras upang makita kung gumagana ba nang maayos ang mga bato.

Sa ilang mga kaso ng sakit sa bato, mahalagang makita kung ano ang itsura ng mga bato at para rito, isang mabisang paraan ay ang paggamit ng ultrasound. Kung malala na ang sakit sa bato, maaaring mag-iba ang hugis ng bato at magmukhang kulubot. Bukod sa ultrasound, puwede ring CT scan ang ipagawa para masilip ang mga bato.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page